235 total views
Umaasa ang CBCP-NASSA / CARITAS Philippines na bukod sa pagtatapos ng kaguluhan sa Marawi City ay tuluyan na ring maisaayos ang mga nasirang kapilya at mga lugar dalanginan partikular na ang Saint Mary’s Cathedral.
Simabi ni Rev. Fr. Edu Gariguez–Executive Secretary ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines na kailangan ang pagtutulungan sa pagsasaayos ng mga simbahan na sentro ng pagsamba ng mga mananampalataya.
“mahalaga yung sentrong pagsamba kaya yung Simbahan dapat marestore. Sana’y patuloy tayong magtulungan sa pagdamay sa mga apektado ng digmaan at panunumbalik sa kanilang normal na buhay”.pahayag ni Father Gariguez sa panayam sa Radio Veritas.
Mula ng magsimula ang bakbakan sa Marawi City noong ika-23 ng Mayo ay muling nakapagsagawa ng misa sa Saint Mary’s Cathedral sa lungsod nitong unang araw ng Oktobre matapos na mabawi ng mga militar ang lugar noong ika-24 ng Agosto.
Sa litratong ibinahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Ranao ay makikita ang malaking pagkasirang iniwan ng bakbakan sa Cathedral kung saan matatandaan dinukot si Fr. Chito Suganob at ilan pang mga church workers.
Pawang mga sundalo ang nakiisa sa misa na nataon sa Araw ng Kapistahan ni St. Therese na siyang patron ng mga sundalo.
Ang Saint Mary’s Cathedral rin ang nakuhanan ng video ng teroristang grupong Maute na nagpapakita ng kanilang pagsira at pambabastos sa mga rebulto at iba pang mga sagradong gamit.