274 total views
Pagpapanibagong buhay ang mas dapat na maging prayoridad sa pagpapataw ng kaparusahan sa mga nagkasala sa halip na ang pagpapahirap.
Ito ang binigyang diin ni Batanes Bishop Emeritus Camilo Gregorio kaugnay sa nakatakdang paggunita ng Prison Awareness Week sa ika-23 hanggang ika-29 ng Oktubre 2017.
Ayon sa Obispo, sa kabila ng mga nagawang kasalanan ng mga bilanggo ay nararapat pa ring tratuhin sila ng makatao sapagkat mas kinakailangan nila ng paggabay upang makapagsisi, muling maitama ang kanilang pagkakamali at makapagbalik loob sa Panginoon.
“Tandaan natin first of all its not punishment but rather rehabilitation, ang importante reintegration to society later on, therefore kailangan tratuhin natin sila in a very positive way, they are people first of all, they are our brothers kung ano man ang kanilang nagawang pagkukulang o kasalanan let us also lead them to what is right and bring them closer to the Lord yun ang importante, it’s a very positive orientation it’s not so much punishment but rehabilitation and renewal, spiritual renewal…” pahayag ni Bishop Emeritus Camilo Gregorio sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa pinakahuling tala ng Bureau of Jail Management and Penology, tinatayang umaabot na sa higit 131–libo ang bilang ng mga bilango sa buong bansa kung saan sa bilang na ito higit sa 31-libo ang mula sa National Capital Region.
Kaugnay nito, itinuturing ng CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na isang opurtunidad ang nakatakdang paggunita ng Prison Awareness Week upang maipaalala ng Simbahan sa bawat isa na ipanalangin ang kapakanan, pagbabago at pagbabalik-loob ng mga bilanggo sa buong bansa.