144 total views
Kinilala ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang naging pagbibitiw sa katungkulan ni Outgoing Commission on Elections Chairman Andres Bautista.
Ayon kay Atty. Rene Sarmiento – Chairperson ng PPCRV, dahil sa naging pagbibitiw ni Bautista ay mas magkakaroon ng pagkakataon ang COMELEC upang isaayos ang kumisyon at magkaisa ang anim na Commissioners na bumubuo dito.
Giit ni Atty. Sarmiento, bilang isang collegial body ay hindi maganda ang pagkakawatak-watak ng mga opisyal ng COMELEC.
Matatandaang ipinanawagan ng anim na Commissioners ang pagbibitiw o pansamantalang pagli-leave ni Chairman Baustista sa kumisyon upang maisaayos at maasikaso ang mga kontrobersiyang inuugnay sa kanya at sa mismong kumisyon.
“Maganda yung ginawa niya sabi ko nga laudable and praiseworthy kasi nga unang una may panahon na ang COMELEC para magkaisa sila magkasama-sama in preparation for the forthcoming activities at ma-fulfill yung mandate niya sa ilalim ng Saligang Batas. Mabubuo na din kasi yung anim na Commissioners ay nag-ask for the resignation or leave ni Chairman Andy, hindi po maganda yun sa isang collegial body tulad ng COMELEC, dapat iisa po kayo, buo kayo so ngayong mabubuo na sila, sama sama na sila with the resignation of Chairman Andy…” pahayag ni Sarmiento sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, naniniwala rin si Atty. Sarmiento na makabubuti para sa pamilya ni Chairman Bautista ang kanyang pagbibitiw partikular na sa kanyang mga anak upang mas makasama at mabigyan ng mas mahabang oras.
Inaasahang magiging epektibo ang pagbibitiw sa katungkulan ni Chairman Bautista sa ika-31 ng Disyembre.
Pagbabahagi naman ni Atty. Rene Sarmiento ng isang ring dating COMELEC Commissioner, sakaling wala pang italaga ang Pangulo na kapalit ni Chairman Bautista ay pansamantalang pamumunuan ang kumisyon ng pinaka-senior na Commissioner ng COMELEC bilang pansamantalang acting Chairman nito.
Samantala, bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas ay tiniyak naman ni Atty. Sarmiento ang patuloy na pakikipagtulungan ng PPCRV sa COMELEC.