207 total views
Litisin at papanagutin sa batas ang mga kawani ng Philippine National Police na nakagawa ng karahasan at umabuso sa karapatang pantao sa gitna ng War on Drugs ng pamahalaan.
Ito ang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman – CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa kasalukuyang isinasagawang retraining ng PNP partikular na sa may 1,000 pulis Caloocan na una nang tinanggal sa posisyon upang bigyan ng panibagong pagsasanay.
Giit ng Obispo, hindi lamang basta retraining ang kinakailangan ng mga Pulis na nagmalabis sa kanilang posisyon kundi ang pagpaparusa sa ilalim ng batas.
“Kung talagang yan ay pumatay hindi lang basta basta retraining ang kailangan sa kanila, lahat siguro ay kailangan mag-retrain tungkol sa pag-respect sa human rights, pero yung nakagawa na ng masama ay una dapat sana aminin nila ang pagkakamali at pagkatapos i-prosecute sila…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Giit ng Obispo, hindi dapat na pagtakpan ng pamunuan ng PNP ang mga kawani nitong nagmalabis at nagmalupit sa war on drugs sa halip ay patawan ng naaangkop na kaparusahan sa ilalim ng batas at tuluyang alisin sa ahensya.
“Una sana naman yung mga pulis na involve ay aminin nila sa halip na tatakpan at ganun din ang leadership ng pulis sa halip na pinagtatakpan ay dapat na iprosecute talaga, gumamit tayo ng pamamaraan ng batas, i-prosecute sila, hindi yung kukupkupin pa yung mga bulok sa kapulisan kung talagang may bulok dyan ay dapat itaboy na sa halip na kupkupin at bibigyan pa ng dahilan…” giit ni Bis Hop Pabillo.
Samantala nito lamang Martes ika-10 ng Oktubre ng ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang memorandum kung saan inatasan nito ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para solong pangunahan at pangasiwaan ang Anti-illegal Drug Operations sa buong bansa.
Nasasaad rin sa memorandum na kinakailangang ipaubaya na ng mga ahensyang kabilang sa anti-drug task force tulad ng Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Bureau of Customs at Philippine Postal Office ang lahat ng mga impormasyon at mga datos na una nang nakalap upang makatulong sa pagsugpo ng PDEA sa ilegal na droga sa bansa.
Sa pinakahuling tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Mayo nasa mahigit 4.7-milyon ang bilang ng mga gumagamit ng ilegal na droga sa bansa partikular na nang shabu, marijuana, cocaine, ecstasy at solvent.