317 total views
Welcome development para kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña ang ulat hinggil sa pagkamatay nina Isnilon Hapilon at Omar Maute sa patuloy na digmaan sa Marawi City.
Ito ang mensahe ng Obispo, matapos na mabatid ang pagkamatay ng dalawang lider ng mga terorista na inaasahang magtatapos ng labanan na umaabot na sa higit limang buwan.
“Secretary Lorenzana just did the confirmation of the death of the two top leaders of the Marawi siege. Crumbling leadership signals the beginning of the end,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Bishop Dela Peña.
Una na ring nagpahayag ang Obispo na hindi pa ganap ang kanilang kagalakan lalu’t hindi pa natatapos ang digmaan at dalawa pa sa manggagawa ng St. Mary’s Cathedral ang nanatiling hawak ng mga bandido.
Noong Mayo, anim na manggagawa ng cathedral kasama ang Vicar General na si Fr. Chito Suganob ang tinangay ng Maute group nang lusubin at sunugin ang simbahan.
Umaasa din ang Obispo na matatapos na ang digmaan upang masimulan na ang rehabiltasyon ng lungsod at makabalik na rin ang mga nagsilikas sa kanilang tahanan.
Naniniwala rin si Bishop Dela Peña na ang digmaan at kaguluhan ang isa sa dahilan kung bakit maraming lugar sa Mindanao region ang nanatiling mahirap.
Base sa 2015 report, kabilang sa 10 pinakamahihirap na lalawigan sa bansa ay mula sa Mindanao Region, nangunguna dito ang Lanao Del Sur na matatagpuan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.