216 total views
Nagpaabot ng kaniyang pakikiramay si Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa pagpanaw ni Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Archbishop Villegas na hindi maituturing na kamatayan ang pagpanaw ni Cardinal Vidal na inilaan ang kanyang buhay bilang isang alagad ng Diyos.
Ayon sa arsobispo, mananatili ang kaniyang karunungan, pagpapakumbaba at pagmamahal maging ang debosyon sa Mahal na Ina sa lahat ng kanyang naulila.
“Cardinal Vidal cannot die. He who has always shared in the dying and rising of the Lord daily in his priestly life cannot die. He now joins the immortal ones who served the Lord faithfully here on earth. His wisdom and his humility, his love for priests and his devotion to the Virgin Mary must live on in us whom he has left behind. Rest well Eminence. Pray for us in the Father’s House,” mensahe ni Archbishop Villegas.
Dakong alas-7:26 ng umaga nang pumanaw si Cardinal Vidal dahil sa sakit na sepsis at pneumonia ayon na rin kay Msgr. Joseph Tan ang tagapagsalita ng Cebu archdiocese.
Si Cardinal Vidal ay nanungkulan din bilang pinuno ng CBCP noong 1986-1987.
Isa rin si Cardinal Vidal sa tumiligsa sa panahon ng diktadurya ng rehimeng Marcos at naging bahagi sa People Power I.
Noong 2001 People Power Revolution II, kabilang din ang namayapang Arsobispo ng Cebu na nanawagan kay dating Pangulong Joseph Estrada na bumama sa posisyon.
Taong 2010 nang gawaran ng pagkilala ng Senate of the Philippines at House of Representative si Cardinal Vidal dahil sa kaniyang serbisyo sa Cebu bilang Arsobispo.
Ginawaran naman ng Lalawigan ng Cebu si Cardinal Vidal nang pinakamataas na pagkilala-ang Order of Lapu-Lapu at kinilala bilang ‘adopted son’ ng Talisay at Cebu City.
Si Cardinal Vidal ay nagsilbi bilang Arsobispo ng Cebu sa loob ng 29 na taon bago siya nagretiro noong 2011 at napiling manatili sa Sto. Niño Village sa Cebu City.
Sa panahon ng kanyang pagreretiro, ibinahagi ng butihing Cardinal sa Archdiocesan Commission on Cultural Heritage ang kanyang Llado porcelain collection, religious figurines, ang ginamit na cassocks at vestment sa nang dumalo sa conclave sa Roma.
Kabilang din sa kaniyang mga donasyon ang silver pectoral cross na ibinigay ni Pope St. John Paul II at personal na liham na mula naman kay St. Mother Teresa.