201 total views
Pinagsama-samang tinig ng mga lider ng magsasaka, indigenous people at kinatawan ng simbahang katolika ang namayani sa paglulunsad ng CLAMOR Movement o Coalition for Land, Against Martial Law and Oppression sa Catholic Bishops Conference of the Philippines, Intramuros, Manila.
Ayon kay Bishop Deogracias Iñiguez, isa sa convenor ng CLAMOR, parehong pambihira at magandang pagkakataon ang pagtitipon ng iba’t ibang sektor upang itaguyod ang kanilang karapatan hinggil sa mga napapanahong usapin sa lipunan partikular na ang isyu sa lupa at ang umiiral na Batas Militar.
“Isang napakalaking bagay na magkasama-sama yung mga tao para ipahayag yung kanilang mga hinahangad o kanilang mga pinapangrap at matingnan ang kanilang mga karapatan at sama-samang maitaguyod ito. Yun ang mahalagang nagaganap dito sa CLAMOR na talagang maraming mga grupo ang nagkaisa para sa isang layunin at para sa mga magsasaka, para sa injustice ng mga EJK kaugnay ng posibleng paglaganap ng Martial Law which is form of tyranny,” pahayag ni Bishop Iñiguez.
Kasabay ng pagtutol sa diktadurya at opresyon, layunin din ng inilunsad na CLAMOR Movement na bigyang-pansin at tutukan ang usapin hinggil sa genuine agrarian reform, libreng pamamahagi ng lupa at ang walang habas na pagpatay sa mga magsasaka sa iba’t ibang rehiyon.
Sa tala ng CLAMOR, pito sa bawat sampung magsasaka ang nananatiling walang lupa at patuloy na nakararanas ng kahirapan at pagkagutom samantalang mahigit sa 80 na ang kabuuang bilang ng mga magsasaka ang napapaslang buhat noong naluklok sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte hanggang Agosto 2017.
Binigyang-diin ng grupo na malinaw na pagtataksil sa pangako ng pangulo sa genuine agrarian reform ang pagbasura ng Commission on Appointments kay Rafael Mariano bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform na pangunahing nagsusulong ng nasabing adhikain.
Patuloy namang ipinaalala ni Pope Francis sa mga namumuno sa bawat bansa na pangalagaan ang karapatan ng maliliit na tao at indigenous groups sa lupang kanilang tinubuan.