206 total views
Nagpapatuloy ang katesismo ng Kanyang Kabanalan Francisco patungkol sa pag-asa sa St. Peter Square sa Vatican.
Sa kanyang weekly general audience ni Pope Francis, ipinaliwanag ni Radio Veritas Vatican correspondent Fr. Greg Gaston – Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma, na nais ng Santo Papa na manatili ang pag-asa sa puso ng mga tao sa kabila ng katotohanang ang bawat isa ay hahantong sa kamatayan.
Pagbabahagi ni Fr. Gaston, nais ng Santo Papa na magbigay ng pag-asa ang bawat tao sa kanyang kapwa, lalo na sa mga may edad na at nasa huling yugto na ng kanilang buhay.
“Kahit anong edad natin at alam na nating mamamatay na tayo wag tayong mawalan ng pag-asa the reality of death, totoo ang kamatayan pero meron tayong pag-asa na kahit mamamatay tayo meron pa rin tayong magagawa ngayon” pagbabahagi ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.
Gayunman, nilinaw ni Fr. Gaston na ang tinutukoy na kamatayan ni Pope Francis ay ang natural death at hindi ang kamatayang sanhi ng karahasan ng mga tao.
“Sabi nga ng Santo Papa, bahagi talaga yan ng buhay ang kamatayan, kaso wag naman yung sinasadyang hindi pa naman mamamatay ay bigla nalang namamatay [pinapatay],” giit ni Fr. Gaston.
Sa Pilipinas, patuloy na kinokondena ng Simbahang Katolika ang lumalaganap na patayan sa lipunan na nauugnay ang mga taong hinihinalang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.
Kaugnay dito, magdaraos ng “Lord Heal our Land Sunday” ang lahat ng simbahan sa bansa sa ikalima ng Nobyembre at ito rin ang magiging simula ng 33 araw na pananalangin para sa may 13,000 nasawi sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.