382 total views
Naniniwala si Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez na ang pagsasabuhay ng aral ng Panginoon ang pinakamahalagang pamana ni Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal sa mga mananampalataya.
Ayon kay Bishop Iñiguez, isang inspirasyon para sa bawat Katoliko ang naging buhay ni Cardinal Vidal at ang hindi matutumbasang pananampalataya at pagtalima nito sa mga turo ng Diyos.
“Ang magandang bagay dito sa kanyang pagpanaw ay natawagan sa isang espesyal na pansin ang kanyang pagkatao at ang kanyang ginanap na papel sa simbahan at sa sambayanan. Ang kanyang pagpanaw ay magiging isang mahalagang pagpapahayag na naman sa mga tao ng kanyang mga isinabuhay at iniaral ang tungkol sa dapat na maging buhay natin sa pananampalataya at sa pagiging mga mamamayan,” pahayag ng Obispo.
Nagsilbi bilang Arsobispo ng Cebu si Cardinal Vidal sa loob ng 29 na taon at nagretiro noong 2011.
Mababatid kabilang din ang Cardinal sa tumiligsa sa panahon ng diktadurya ng rehimeng Marcos habang nanungkulan bilang pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines noong 1986-1987.
Bilang pagbibigay-pugay kay Cardinal Vidal, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na holiday sa Cebu ang araw ng libing nito sa ika-26 ng Oktubre.
READ: Libing ni Cardinal Vidal sa Cebu, idineklarang holiday ni Pangulong Duterte
Una nang kinumpirma ng Archdiocese of Cebu ang paglilibing kay Cardinal Vidal sa libingan ng mga Obispo sa Cebu Metropolitan Cathedral.