381 total views
Kasunod nang deklarasyon ng paglaya ng Marawi City sa kamay ng ISIS-Maute terrorist, panahon na rin para bawiin ng pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa buong rehiyon ng Mindanao.
Ito ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs (CBCP-ECPA).
Giit ng pari, ang digmaan sa Marawi ang pangunahing dahilan kung bakit nagdeklara ng martial law kaya’t ngayong matatapos na ang digmaan ay wala na ring dahilan na magpatuloy pa ito.
“Since sila na ang nagsasabi na Marawi was liberated. And the threat of terrorism ay na-lessen. Its hightime siguro na ang martial law sa Mindanao ay i-lift na nila. Kasi the very reason for the imposition of martial law ay ‘yung ngang nangyari sa Marawi. So now that they themselves claimed that war in Marawi is about to end. So its also high ttime to end the imposition of martial law and the President I think should be duty bound to do it asap,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Veritas Patrol.
Dagdag pa ng pari, maari ring magkaroon ng assessment ang militar hinggil sa banta ng terorismo upang matukoy kung dapat pang paabutin ng hanggang Disyembre ang batas militar.
Read: Pagkamatay ng ISIS-Maute leader, hudyat ng kapayapaan sa Marawi.
Una na ring pinalawig ng hanggang sa pagtatapos ng taon ang martial law sa Mindanao na dapat sana ay sa loob lamang ng 90 days.
Sa naging pahayag noon ng mga obispo ng Mindanao, umaasa silang hindi maabuso ang batas militar at kagya’t ding babawiin sa oras na matapos ang digmaan.
Sa pinakahuling tala, mula sa 1,000 katao napatay sa Marawi siege higit sa 900 sa mga ito ay mula sa panig ng mga terorista.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, binigyan diin nito na walang nagwawagi sa digmaan sa halip ito ay nagdudulot ng pagkasira hindi lamang ng buhay kundi ang kabuhayan ng mga residente kung saan may kaguluhan.