642 total views
Inamin ng Prelatura ng Marawi na bagamat idineklara na ng pamahalaan na tapos ang kaguluhan sa lungsod ay hindi pa rin naman nagtatapos ang paghihirap ng mga residenteng naapektuhan ng digmaan.
Ayon kay Reynaldo Barrido-coordinator ng Duyog Marawi, malaking tulong ang kailangan para sa rehabilitasyon ng mga residente ng Marawi City na nagsilikas,nawalan ng tahanan at pagkakakitaan matapos ang may limang buwang na kaguluhan sa kanilang lugar.
Sinabi ni Barrido na kumikilos ngayon ang Simbahang katolika lalu na sa 15 komunidad sa Marawi para sa mga pangangailangan ng mga residente at humihingi na rin ng tulong mula sa iba’t-ibang diyosesis sa bansa upang ito ay maisakatuparan.
“Malaking tulong ang kailanganin ngayon lalo na hindi pa malinaw kung saan kukunin ang rehabilitation at recovery fund sa ngayon ang sinusuportahan ng Simbahan yung mga nasa periphery yun mga nasa bundok kasi yun may mga kaya sila yung pumunta ng Iligan, ng CDO at Balaoi, yung mga maliiit na Maranao naglakad na lang sila hanggang inabot na lang sila sa mga bundok, 15 Communities ito around 3,250 Families ang ating sinusuportahan,” pahayag ni Barrido sa panayam ng Radyo Veritas.
Tiniyak ng Prelatura ng Marawi na handa sila sa pakikipagtulungan sa pamahalaan at iba pang organisasyon na nagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente.
Naniniwala si Barrido na kahit bumalik agad ang mga residente sa kanilang mga tahanan ay kakailanganin pa rin ng mga ito ang support services tulad ng mga pamilihan, ospital at paaralan na tiyak ding aabutin ng ilang taon bago muling maitayo.
“May mga areas that they will allow kasi malayo na sa danger zone pero kahit malayo po kung walang support mechanism walang palengke, walang mabilan ng pagkain, walang tubig, walang kuryente hindi namin alam gaano kabilis maibalik ang support services,” ayon pa kay Barrido.
Oktubre 17 nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglaya ng Marawi mula sa Maute-Isis terrorist nang mapatay sa engkwentro ang mga pinuno ng grupo na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.
Batay sa datos, umabot sa halos 80 libong pamilya ang naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi simula nang lusubin ng mga terorista ang lungsod noong Mayo.