217 total views
Kapanalig, ang pabahay ay pangarap ng maraming Pilipino. Hindi magarbo, simple lang ang nais ng karamihan sa atin. Kahit maliit na bahay lamang, basta matatawag nating atin, okay na para sa marami.
Ayon sa datos mula sa DTI Board of Investments, ang housing backlog sa ating bansa ay nasa 3.9 milyong kabahayan. Kung makakapagtayo tayo ng 200,000 units kada taon, simula 2012 hanggang 2030, may backlog pa rin at maari pa itong tumaas sa 6.5 milyong kabahayan pagdating ng 2030.
Bakit ba mahirap magkabahay sa ating bayan? Kapanalig, mahal kasi ang bahay at lupa sa mga lugar kung saan malapit ang mga trabaho. Hirap abutin ng karaniwang Pilipino ang halaga ng bahay malapit sa mga sentro ng kalakalan at negosyo sa bayan.
Kaya nga’t parang kabuteng nagsusulputan ang mga informal settlements o mga karitong bahay sa pagitan ng mga subdibisyon at kahit pa nga buildings minsan. Kasi naman, kung lalayo pa sila sa trabaho, gutom na aabutin ng pamilya nila. Kadalasan naman, pag-uwi sa bahay, pahinga na lang ang hanap nila, kaya’t okay na rin kahit pa sa barong-barong tumira.
Kung sa ganitong perspektibo kapanalig, mahirap nga ata magkabahay para sa maraming Pilipino. Marami na rin naman kasing mga pabahay ang inalay ang mga iba ibang administrasyon sa ating bayan. Wala pa ring makatyempo ng solusyon sa kanila.
Kailangan na natin ng mga inobatibong solusyon para sa isyu ng housing, at dapat mas lumapad pa ang pananaw natin dito. Ang mga dating solusyon kasi kapanalig, patse-patse ang sagot, pabahay lamang. Hindi akma ang solusyon na ito sa isyung pabahay sa kontektso ng ating bansa. Ang kakulangan ng pabahay sa atin ay isyung napapaloob sa isyu ng trabaho at kabuhayan, na kaugnay rin ng isyu ng urbanisasyon.
Hangga’t makitid ang ating pananaw sa isyu ng pabahay, hindi mabibigyang solusyon ang problema. Kapanalig, ang esensya ng nagsusulputang informal settlements sa bansa, lalo sa mga sentro ng kalakalan, ay survival. Hangga’t hindi survival ang target, laging sablay. Bakit ba naman tatanggi ang maralita sa maayos na pabahay kung malapit naman ito sa trabaho, diba? Pero kung walang trabaho, kapanalig, ang pabahay na regalo mo ay tila isa lamang de-pintuang nitso.
Isang paalala mula sa Panlipunang Turo ng Simbahan, hango sa Solicitudo Rei Socialis: Ang kawalan ng pabahay ay sersyosong suliranin na nagpapakita kung gaano tayo kalayo sa tunay na kaganapan at kaunlaran ng mamamayan.