166 total views
Magiging matatag sa pagharap sa mga tukso.
Ito ang hamong iniwan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis antonio Cardinal Tagle sa mga dumalo sa unang taong anibersaryo ng Sanlakay Program ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Sa kanyang homiliya, inihayag ng Cardinal na dapat matuto ang tao na kinalalanin ang tunay na Diyos na nag-alay ng Kanyang buhay upang matubos ang sangkatauhan at talikdan ang pagsamba sa mga huwad ng diyos tulad ng salapi, ambisyon at kapangyarihan higit lalo ang alkohol, sugal at droga.
“Ang isang mensahe sa’tin ngayon, kilalanin si Hesus S’ya ang Panginoon. At ang mga nagpanggap na diyus-diyosan na akin nati’y kinikilala at sinusunod, hindi na sila. Si Hesus ang aking susundan, hindi na ako magpapaloko sa iba pang huwad na Diyos,” paalala ni Cardinal tagle sa mga nagtapos na kasanlakbay.
Pinuri naman ni National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde ang Sanlakbay program ng simbahang Katolika na siyang esensya ng rehabilitation campaign ng pamahalaan at malinaw na patunay na hindi pinapaslang bagkus ay kinakalinga ang mga drug surrenderers sa bansa.
“Ito [Sanlakbay] na yung sagot natin na hindi totoo yung mga sinasabi nila na kapag nagsurrender ka pagkatapos bukas makalawa patay ka na. Ito yung malaking tulong ng ating simbahan,” pahayag ni Albayalde.
Umaasa rin si Albayalde na mas marami pang sektor ng gobyerno ang susuporta sa nasabing programa upang makita ng iba pang hindi sumusukong drug addicts na mayroon pang pag-asa.
Umabot na sa 139 drug surrerderers ang nagtapos sa ilalim ng Sanlakbay mula sa 12 parokya sa Archdiocese of Manila habang 18 pang mga parokya ang inaasahang magbubukas sa mga susunod na buwan.
Ang Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay ay 6-month church initiative community based drug rehabilitation program ng Archdiocese of Manila katuwang ang Philippine National Police, Department of Interior and Local Government at Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa kabila ng ibat ibang tukso na umiiral at mga nagpiprisintang diyus-diyusan sa lipunan, inihayag ni Cardinal Tagle na dapat lagi aniyang piliin si Hesus at hingin ang kanyang paggabay.