5,703 total views
Homily
His Eminence Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
Basilica de San Sebastian
October 21, 2017
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una po sa lahat magpasalamat tayo sa Diyos siya po ang nagtipon sa atin sa umagang ito upang sa pamamagitan ng kanyang salita, ng katawan at dugo ni Hesus at Espiritu Santo ng pag-ibig, tayong lahat po ay maging tunay na sambayanan, tunay na bayan na Diyos, sumasaksi kay Hesus at kumikilos ayon sa udyok ng Espiritu Santo.
Bawat isa ay espesyal subalit sa umagang ito mayroong ekstra na dahilan para maging espesyal ang misa. Nagpapasalamat po tayo sa Diyos sa isang taon na paglilingkod sa pamamagitan ng Sanlakbay, isang taon na po, parang kailan lang.
Noon sa Manila Cathedral atin itong inilunsad napakabilis ng panahon at nagpapasalamat po tayo dahil patuloy ang collaboration, nandito po ang mga kapatid sa kapulisan, sa DILG, sa barangay at iba’t-ibang organisasyon pang-simbahan man o hindi, ang ating media, ang atin pong mga benefactors at higit sa lahat ang ating mga kasanlakbay at ang kanilang mga pamilya – ito po ay pagdiriwang ng pag-asa.
Napakaganda naman po na ang bawat pagbasa sa araw na ito ay akmang-akma sa atin pong pagsisikap na tumugon sa tawag ng Diyos, sa patuloy na paglago, sa patuloy na pagpapanibago. Mayroong maitutulong ang bawat sektor ng lipunan. Ang mga doktor mayroon pong maitutulong sa kanilang medical expertise. Ang mga abogado sa pamamagitan ng kanilang legal expertise. Ang mga nasa law enforcement, ang mga katekista, ang mga social workers, ang Caritas, lahat po tayo ay nagtutulong-tulong.
Pero ano mang pagbasa natin mayroong iniaambag – pananampalataya na nagbibigay pag-asa. Simulan ko po sa Ebanghelyo. Sabi ni Hesus ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin din ng anak ng tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.
Pananampalataya. Faith. Ang pananampalataya po ay regalo ng Diyos, biyaya, grasya. Hindi po natin kaya na makaabot sa pananampalataya sa sarili lang nating lakas kaya araw-araw po tayo dapat ay nananalangin ‘Panginoon bigyan mo ako ng pananampalataya. Palalimin mo po ang aking pananampalataya.’
Ang pananampalataya po ay ibat ibang larangan. Ang tinutukoy ni Hesus sa Ebanghelyo ay ang pananampalatayang kumikilala sa Kanya bilang anak ng Diyos. Ang pananampalataya ay pagkilala sa Diyos. Kapag kinilala ko na ang Diyos ipapaubaya ko na ang aking sarili sa Kanya. Mananalig ako at susunod ako sa Kanya. Ang pananampalataya po ay dugtung-dugtong na.
Kinikilala ko Siya bilang Diyos, nagpapaubaya ako sa kanya bilang Diyos, mamahalin ko siya, paglilingkuran ko Siya, susundin ko Siya. Kaya nga lang po, marami ring kakumpitensya ang Diyos. Maraming nagpiprisinta ng Diyos. At kung minsan, itong mga nagpiprisintang mga Diyos sila ang madaling kilalanin, madaling pagkatiwalaan, madaling sundin at ang tunay na Diyos, isinasantabi.
Halimbawa po, pera. Ang pera isa yan sa napakalakas na huwad na Diyos. Basta pera kinikilala.
Naikuwento ko ito, nagkokomunyon ako sabi ko sa mga kabataan na kukumpilan, ‘Kapag nakumpilan na kayo sa tulkong ng Espiritu Santo si Hesus ang susundan niyo. ‘Opo’ sagot ng mga bata. Tinesting ko, sabi ko pagkatapos ng kumpil, ‘Ano ang uunahin ninyo pagbubulakbol o pag-aaral?’
Sagot sila ‘pag-aaral po’ tuwang tuwa naman ako, kinikilala na ang tamang Diyos. Ano kako ang mahalaga, panonood ng TV o pagdarasal?‘Pagdarasal po.’ Talaga naman puwede nang kumpilan. ‘Ano ang mas mahalaga, ang misa o 30 million dollars?’ 30 million dollars’, wala.
Kapag may ibang Diyos, pera, makinang, kay daling kilalanin, kay daling sundin at para sa pera kinakanta ‘Mag-utos ka Panginoon ko dagling tatalima ako.’ Minsan hindi naman kay Kristo kinakanta yun. Kinakanta sa pera, kaunting kapalit ng pera ‘Panginoon nandito po ako’.
Kapangyarihan. Aha! Matatapakan ko ang aking kapwa basta tumawag ang kapangyarihan ‘Panginoong kapangyarihan, narito ako susunod ako sa iyo.’ Wala akong pakialam kung mayroon akong natatapakan ikaw ang panginoon ko tatalima ako sa’yo.
Yabang, ambisyon. Kayraming buhay ang nasira dahil sa ambisyon. Inaalay pati kapwa tao bilang handog sa ambisyon. Kapag ginawang Diyos ang ambisyon pati kapwa tao sisirain. Mayroon po sa aking nagsabi na may matagal nang karanasan sa pakikipaglakbay sa mga tao na nalullulong sa ibat ibang uri ng bisyo. Sabi niya sa akin ang pagkalulong sa bisyo mayroong medical concerns yan. Mayroon ding poverty concern. Mayroong family concern. Mayroong neighbor concern yung mga hindi magagandang impluwensya. Pero ito ang nagulat ako, ito rin ay faith concern. Kapag ako ay naging dependent sa alkohol, ang alkohol ay parang nagiging diyos at kapag tumawag ang alcohol, ‘Halika, inumin mo ako’ Tayo nananampalataya sa alkohol sasabihing ‘Panginoong San Miguel narito ako handang sumunok sa iyo. Laklak laklak.’ Kasi ang pananampalataya ko naibigay ko na doon sa alkohol.
Sugal. Kapag ang sugal ang panginoon, tatawag siya. Halika. At ang pananampalataya natin doon natin ibibigay kahit natatalo na, nalululong na sasabihin subukan pa, subukan pa nandito ako tutugon ako sa’yo.
Ganundin sa mga iligal na droga. Sino ang ating Panginoon? Kilalanin natin ang tunay na Diyos, si Hesus. Siya lang ang susundan, Siya lang. Hindi ang pera, hindi ang puder, hindi ang kapangyarihan. Hindi ang mga gawa ng tao na umaalipin sa atin. Ang pananampalataya, pagtalima, pagsunod kay Hesus. Siya ang kilalanin. Kaya po ang isang mensahe sa atin ngayon, kilalanin si Hesus, Siya ang Panginoon at ang mga nagpanggap na diyus-diyosan na akin nati’y kinikilala at sinusunod, hindi na sila.
Si Hesus ang aking susundan, hindi na ako magpapaloko sa iba pang huwad na Diyos.
Tatanungin ko kayo, ano ang mas mahalaga ‘Ang misa o 50 million dollars’ [Crowd answered: ‘Misa’.] Parang ang sama-sama ng loob. Pero sa araw-araw na buhay dapat ganiyan po, araw-araw na buhay, araw-araw na buhay, pananampalataya. May tumutukso sa tin, ako ang gawin mong diyos, manalig ka si Hesus. Si Hesus ang pipiliin
At bilang panghuli po, ang pananampalataya na kumkilala kay Hesus, tumatalima sa Kanya umuuwi sa pag-asa. Ito po ang mensahe ng unang pagbasa kay San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma, ang pananampalataya ang pundasyon ng pag-asa. Ang binigay sa atin na halimbawa si Abraham. Si Abraham po matanda at ang asawa niyang si Sarah hindi magkaanak pero nangako ang Diyos, ikaw ay magiging ama ng napakaraming anak.
Salamat na lang sa pananampalataya naniwala, nanalig si Abraham. Kung walang pananampalataya, puwede siyang magpilosopo si Abraham. Puwede niyang sinabi sa Diyos, Diyos naman ang tanda ko na. Ang asawa ko ilang taon na hindi magkaanak. Hindi nga kami makaisang anak sabi mo magiging ama ako ng napakarami? Imposible yan. Pero ang imposible sa tao, hindi iyon ang pinakinggan ni Abraham. Hindi human logic ang inintindi ni Abraham. Ang mahalaga sa Kanya, ang nagsasalita ay ang Diyos. Kahit hindi ko ito lubusang nauunawaan, mananalig ako, umasa siya at nagkaanak sila – si Isaac. At mula kay Isaac ang lipi ng bayang Israel.
Kapag nanampalataya ka sa Diyos, may dahilan para umasa. Alam kong ang mundo natin ngayon kay daling mawalan ng pag-asa. Kaydaling sabihin, wala na, wala nang mangyayari diyan. Napakahirap makipagmeeting, ano ho, nag-iisip kayo ano kaya ang puwedeng gawin tapos bawat suggestion babarahin, ‘wala yan walang mangyayari diyan’.
Subukan kaya natin to, ‘wala yan nasubukan na ‘yan walang mangyayari diyan. Hindi mababago ang mundo ng mga taong walang pag-asa. The world will never be renewed by people who are desperate. The world can be renewed only by people filled with hope. No one can be an agent of renewal if a person is not working from hope.
Para po sa mga kasanlakbay, kayo ang buhay na sagisag, may pag-asa. Walang tao na puwedeng sabihin you are a hopeless case. Sa pananampalataya natin sa Diyos, alam natin bawat anak niya, bawat nilalang niya ay magiging katulad ni Abraham na pinag-usapan pa ng madla, kinukutya si Sarah, hinihiya at kinukutya si Abraham at si Sarah pero nanalig sila sa Diyos at napatunayan may pag-asa sa Diyos.
Kaya nananawagan po tayo sa lahat. Tingnan po natin ang bawat kasanlakbay, bawat isa sa kanila, bawat isa na nakilakbay sa kanila ay binhi ng pag-asa sa ating bayan at sa ating mundo. Salamat kay Hesus na nananawagan sa atin.
Salamat sa pananalig at sa pag-asa na Kanyang bigay. Idalangin natin sa ating Mahal na Birhen an gating mga alalahanin, Siya na nabuhay sa pananampalataya at naging ina ng pag-asa.