158 total views
May pagkakataong maging banal tulad ng mga santo ang bawat nilalang.
Ito ang ibinahagi ni Archdiocese of San Fernando Pampanga Archbishop Emeritus Paciano Aniceto kaugnay sa paggunita ng All Saints Day.
Paliwanag ng Arsobispo, mas pinapahalagahan ng Panginoon ang kapasidad ng bawat isa na maging disipulo o tapat na taga-sunod sa pamamagitan ng pagkakaroon ng matatag na pananampalataya at sa pagiging isang tunay na saksi ng Ebanghelyo.
“Tayong lahat talaga ay we are on the way to Sainthood, naglalakbay tayo at ang tinitingnan ng Panginoon ay hindi yung ating sarili na kasalukuyan na kasalanan kundi yung ating capacity yung ating potential na talagang tayo ay maari ding maging isang taong tapat na taga-sunod, disipulo talaga ng Panginoon and that is the first way to Sainthood by becoming a very faithful and a very credible witness of the Gospel…” pahayag ni Archbishop Aniceto sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng dalawang Santong Filipino na opisyal na idineklara ng Santo Papa na napatunayang mapaghimala at maaaring dasalan ng lahat ng mga mananampalataya sa buong mundo.
Si San Lorenzo Ruiz na hindi itinakwil ang kanyang pananampalataya sa Diyos sa kabila ng pag-uusig sa kanya sa Japan at si San Pedro Calungsod isang binatang nagmula sa Visayas na nanindigan sa kanyang pananampalataya sa kabila ng banta ng kamatayan.
Sa Pilipinas ay nakagawian na ng mga Pilipino ang pagpunta sa mga sememteryo tuwing unang araw ng Nobyembre kung saan ipinagdiriwang ang Araw ng mga Banal sa halip na sa ika -2 ng Nobyembre na Araw ng mga Kaluluwa.
Gayunman, sa katuruan ng Simbahang Katolika iniaalay ang buong buwan ng Nobyembre upang ipanalangin ang ikapapayapa ng mga kaluluwa sa purgatoryo bilang isang debosyong nakapagbibigay indulhensya.