165 total views
Nilinaw ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na hindi labag sa katuruan ng simbahan ang cremation o pagsusunog sa katawan ng isang yumao upang maging abo ang kanyang mga labi.
Ayon sa Obispo, hindi tutol dito ang simbahan, basta’t hindi ito ginagawa upang labagin ang katesismo ng Katoliko na muling pagkabuhay ng mga namayapa.
“Ang simbahan ay hindi tumututol sa cremation basta ito ay hindi ginagawa para laitin ang ating pananampalataya sa muling pagkabuhay ng mga namatay.” pahayag ni Bp. Bacani sa Radyo Veritas.
Gayunman, iginiit ng Obispo na kinakailangang ilagak pa rin sa libingan o sa kolumbaryo ang abo ng namatay at hindi ito maaaring dalhin kung saan saan.
Paliwanag nito, labag sa katuruan ng simbahan ang pagsasabog ng abo sa hangin, pagtatapon sa ilog o dagat, pagsaboy sa puno, paglalagak ng abo sa bahay, o paglalagay nito sa maliit na lalagyan upang gawing kuwintas.
Sinabi ni Bishop Bacani na kinakailangan paring ihimlay ng maayos ang mga abo upang ipakita ang paggalang sa katawan ng tao na nagsilbing templo ng Diyos.
Samantala, inamin naman ni Bishop Bacani na sa personal niyang saloobin ay nais din nitong mai-cremate ang kanyang katawan sa kanyang pagpanaw.
Ayon sa Obispo, bukod sa mas mura ang halaga ng cremation kumpara sa tradisyunal na paglilibing, naobserbahan niyang mas nababawasan ang pighati ng mga namatayan sa oras na naging abo na ang katawan ng kanilang mahal sa buhay.
“Ngayon, napaka praktikal ng cremation, una mas mura, at pakiramdam ko sa mga minimisahan ko [na nai-cremate] mukhang less painful sa kanila, emotionally. Personal sa akin yung napakasakit na makita kong binabaon sa lupa yung katawan, pero yung cremation dahil hindi na natin nakikita kapag ginagawa, mukhang hindi masakit sa mga namatayan. Kaya nagiging praktikal hindi masakit gaano sa bulsa, kumpara sa paglilibing.” Pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Sa tala ng Loyola Memorial Chapels and Crematorium sa Commonwealth, Quezon City, 40% sa mga kumukuha ng kanilang memorial service ay pinipili ang cremation kumpara sa tradisyunal na paglilibing.
Gayunman, bagamat tanggap na ng Simbahang Katolika ang cremation, mas nirerekomenda pa rin nito ang tradisyunal na paglilibing ng mga labi ng yumao.