246 total views
Dismayado ang Ecowaste Coalition sa kawalan ng malasakit ng mga Filipino sa kalikasan sa patuloy na pagtatambak ng basura sa mga sementeryo tuwing ginugunita taun-taon ang Undas.
Ayon kay Daniel Alejandre – Zerowaste Campaigner ng grupo, lumabas na kakaunti ang nahakot na basura ngayong taon dahil sa patuloy na pag-ulang naranasan sa bansa.
Paliwanag ni Alejandre, kinakailangang magbago na ang kawalang disiplina ng mga Filipino sa pagtatapon ng basura dahil lalo lamang titindi ang suliranin ng bansa kung magpapatuloy ang ganitong ugali.
“Sa kabila ng mga kampanya para itigil ang pagkakalat ng basura at ang pagdadala ng reusable items ay dismayado pa rin [ang ecowaste coalition] sa turn-out ng monitoring noong nakaraang November 1, dahil yung mga sementeryo last year na maraming mga basura, sila pa rin yung marami paring naging kalat ngayon,” pahayag ni Alejandre sa Radyo Veritas.
Giit pa nito, bukod sa pagdidisiplina sa mga tao, kinakailangan din na maturuan ang mga nagnenegosyo o nagtitinda ng iba’t-ibang bilihin sa loob ng mga sementeryo na maging masinop sa kalat na nalilikha ng kanilang produkto.
Aniya, isang salik din sa pagdami ng basura ang mga produkto ibinebenta ng mga negosyante sa tao na nagiging dahilan upang magkonsumo at makalikha ito ng mas maraming kalat sa paligid.
“Sa pamunuan ang mensahe natin [ng mga sementeryo], bago magkaroon ng mga permit yung mga establishment na uupa sa lugar sana magkaroon muna ng proper orientation paano nga ba nagse-segregate at ano yung pwede nilang alternative para hindi na sila nagre-release ng mga plastic o items na hindi naman na re-reuse,” dagdag ni Alejandre.
Batay sa monitoring ng Ecowaste Coalition sa 21 public at private cemetery sa Maynila at ilang karatig na lalawigan, nangunguna sa pinaka maraming tambak na basura ang Manila North Cemetery, South Cemetery, Loyola Memorial Park sa Marikina City, at ang Bagbag Public Cemetery sa Quezon City.
Noong 2015 umabot sa 302 truck ng mga basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority mula sa 26 na mga sementeryo sa Maynila.
35 sa mga truck ng basura na ito ang nagmula sa Manila North Cemetery, 28 sa Manila South Cemetery at 18 naman mula sa La Loma Public Cemetery.
Patuloy namang nananawagan ang Simbahang Katolika na igalang ang mga nakahimlay at gunitain ng taimtim ang Undas sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.