212 total views
Ang sama-samang pagdulog sa Panginoon ay tanging magbibigay ng kasagutan sa tunay na hinihiling ng Diyos sa bawat isa.
Ito ang ibinahagi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa katatapos na Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly (MAGPAS) 2017 na ginanap sa Paco Catholic School.
Sinabi ni Bishop Pabillo na mahalagang magkaisa ang bawat mananampalataya na hingin ang paggabay ng Diyos upang mabatid ng tao ang misyon na nais niyang mangyari para sa lahat.
“Kailangan tayong magtipon-tipon upang sama-sama nating pag-usapan kung ano ba ang hinihiling ng Panginoon sa atin sa panahong ito bilang simbahan dito sa Archdiocese of Manila, ‘yan po ang dahilan ng ating pagsasama-sama bilang MAGPAS,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Sa halip na ubusin ang oras sa paggawa ng walang-kabuluhang mga bagay, idinagdag pa ng Obispo na dapat pagtuunan ng pansin ang pagpapalago sa koneksyon ng tao sa Panginoon.
“Mayroon tayong espesyal na relasyon sa Panginoon, at sa espesyal na relasyon na ito na tayo ay mga anak niya na kaya tayo ay kailangan na sama-samang kumilos bilang isang pamilya ng Diyos at sama-samang tumutugon sa panawagan ng ating Ama,” ani Bishop Pabillo.
Ang MAGPAS ay taunang pagtitipon ng libu-libung layko, pari, madre, kabataan at ministry leaders ng Arkidiyosesis ng Maynila upang hubugin at hikayatin ang bawat mananampalataya sa pagpapanibago tungo sa nagkakaisang komunidad habang tinatalakay ang napapanahong usapin sa bansa na nakasentro sa Panginoon.
Bilang pagpapalakas sa MAGPAS, inanunsyo ni Bishop Pabillo na gagawin nang regular ang pagsasama-sama ng mga miyembro ng Simbahang Katolika sa buong Arkidioysesis tuwing unang Sabado sa mga buwan ng Enero, Marso, Mayo, Hulyo, Setyembre at Nobyembre 2018.