217 total views
Ang mga pamilya at mga naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi dulot ng extra judicial killings ang tunay na biktima sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ito ang binigyang diin ni Nardy Sabino – Secretary General ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) at Convenor ng Rise Up for Life, Rise Up for Rights.
Paliwanag ni Sabino, maraming pamilya ang nasira at maraming mga bata ang naulila sa mga magulang dulot ng marahas na resulta ng tinagurang War on Drugs ng pamahalaan.
Bukod dito, lalo pang inilubog sa kahirapan ng naturang kampanya ang mga pamilyang dati ng mahihirap kung saan marami ang mga asawang napipilitan itaguyod ng mag-isa ang kanilang mga pamilya.
“Ang War on Drugs ni Pangulong Duterte ay sumira sa maraming pamilya, nagbunsod sa maraming bata na maging abandonado o kaya naman ay mga orphans. Maraming mga asawa lalo na ang mga kababaihan na patuloy na mag-isang itaguyod yung kanilang pamilya, gayundin itinulak nito ang marami pang mga bata at pamilya na humanap kung papaano sila mabubuhay dahil karamihan sa kanila ay dati ng mahirap at ngayon higit pang inilubog sa kahirapan dulot ng War on Drugs…” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ilang mga pamilya rin ng mga naulila dulot ng Drug Related Killings ang nakiisa sa isanawagang Lord Heal Our Land Sunday kung saan inilunsad ang Start the Healing Campaign na nilahukan rin ng iba’t ibang mga organisasyon at sektor ng lipunan.
Batay sa tala ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates o PAHRA tinatayang umaabot na sa halos 13-libo ang mga namatay sa gitna ng tinaguriang War on Drugs ng pamahalaan.
Ang “Start the Healing Campaign” ay ang 33-araw na panalangin at panawagan sa pagrorosaryo na magsisimula sa ika-5 ng Nobyembre hanggang sa ika-8 ng Disyembre –kasabay ng kapistahan ng Solemnity of the Immaculate Concepcion para sa paghilom ng bayan sa gitna ng karahasang idinulot ng mga serye ng pagpasalang sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan.
Sa isinagawang Heal Our Land Sunday, nanawagan ang mga lider ng Simbahan, lay organizations, religious organizations at civil society groups sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na itigil na ang extra judicial killings at mga paglabag sa karapatang pantao.