453 total views
Umaasa ang Simbahang katolika na muling sisigla ang mga kabataan sa pagpasok sa bokasyon ng pagpapari at pagmamadre.
Ito ang panalangin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo kaugnay na rin ng nalalapit na pagdiriwang ng simbahan ng ‘Year of the Clergy and the Religious’ na magsisimula sa December 3 -ang 1st Sunday of Advent.
Ang pagdiriwang ay kaugnay pa rin sa paghahanda ng simbahan sa ika-5 sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa sa taong 2021.
“More and more sana. Sa ating mga kabataan, babae at lalaki na mabigyan nila ng kaisipan tungkol sa tawag Diyos na magsilbi bilang mga pari at religious,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Sa ulat sa taong 2014-2015 patuloy na tumataas ang bilang ng mga katoliko sa buong mundo o may kabuuang 1.3 bilyon o 17.7 percent ng kabuuang populasyon.
Sa kabila nito, bumababa naman ang bilang ng mga pumapasok sa bokasyon sa Europra habang nanatiling mataas ang bilang sa Africa at Asia na may higit sa 1,000 mga seminarista na inaasahang magtatapos bilang mga pari sa mga susunod na taon.
Kabilang naman sa tatalakayin ng Santo Papa Francisco sa Synod of Bishops sa October 2018 ang paksang ‘Young People, the Faith and Vocational Discerment’.
Hinikayat ng kanyang kabanalan Francisco ang mga kabataan para sa susunod na Synod sa October 2018 na pakinggan ang tinig ng Panginoon, at alamin ang kaniyang mga plano sa ating buhay.