203 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Kanyang Kabanalang Francisco sa mga kabataang dumalo sa National Youth Day 2017 at sa Archdiocese of Zamboanga sa pamumuno ni Archbishop Romulo dela Cruz.
Ibinahagi ni Rev. Fr. Conegundo Garganta, Executive Secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Youth ang mensahe ng Santo Papa na binasa sa pagbukas ng National Youth Day 2017 kahapon.
Ayon kay Father Garganta, nakasaad sa mensahe ni Pope Francis ang pagbati nito sa Arkidiyosesis na siyang host diocese sa pagtitipon ng mga kabataan.
Bahagi din ng mensahe ng Santo Papa ang paalala sa mga kabataang dumalo na malaki ang kanilang gampanin sa malawakang pagmimisyon, sa pagpapaabot ng salita ng Diyos sa lahat ng mga mananampalataya.
“Unang – una yung kaniyang pagpapaabot ng pagbati sa Archdocese of Zamboanga para sa pagdiriwang na ito ng mga kabataan dito sa National Youth Day 2017. Ikalawa, isa sa bahagi ng kaniyang mensahe yung paalaala na ang mga kabataan ay tinatawag para maging bahagi ng malawakang misyon, pagpapaabot ng mabuting balita ng Panginoon para sa lahat.” pahayag ni Father Garganta sa Radio Veritas
Ang National Youth Day 2017 ay may temang “The Mighty One has done great things for me, and holy is his name” na hango mula sa Lukas 1:49 at siya ring tema ng World Youth Day 2017.
Dinaluhan ng mahigit 2 libong mga kabataan mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa, ang NYD 2017 na nagsimula noong ika – 6 ng Nobyembre at magtatapos sa ika – 10 ng Nobyembre.
Sa mensahe naman ni Zamboanga Archbishop Romulo Dela Cruz, umaasa siyang sa pamamagitan ng pagtitipong ito ng mga kabataan ay mas mapalalim pa ang kanilang pakikipagkilala sa Panginoon at maging mga manlalakbay na handang magbahagi ng pagmamahal sa bawat isa.