178 total views
Hinimok ng Caritas Manila, ang social arm ng Archdiocese of Manila ang mga mananampalataya na makiisa sa isinasagawang Damay Kapanalig sa Marawi Telethon.
Ito ay isang church initiative fund raising campaign ng Caritas Manila para sa tuloy-tuloy na pagtulong sa mga naapektuhan ng digmaan sa lungsod ng Marawi bunsod ng limang buwang digmaan sa pagitan ng pamahalaan at Maute-ISIS group.
Ayon kay Father Anton CT Pascual-executive director ng Caritas Manila, hangad ng Simbahan na makalikom ng pondo bilang ayuda para sa rehabilitasyon ng lungsod na labis na naapektuhan ng digmaan.
“Sa atin pong mga Kapanalig, tayo po sa simbahan ay mayroon pong Telethon sa pangunguna ng Caritas Manila para makalikom ng inyong panalangin at ng inyong pondo nang matulungan ang ating mga kababayan sa Marawi. Marami po sa kanila ay Muslim, napakagandang halimbawa na tayo po, bagama’t magkaiba ng relihiyon ay nagtutulungan at nagmamalasakitan. Tulungan po natin ang mga mahihirap nating kababayan na makabangon sa kanilang matinding karanasan ng karahasan. At sa pamamagitan ng ating panalangin at ng mga tulong natin na pinansyal…housing and rehabilitation na matulungan natin sila na makabuwelo at mabigyan ng magandang pag-asa sa pamamagitan ng ating pagdadamayan, ito nga ang Damay Kapanalig sa Marawi ng Radio Veritas,” ayon kay Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Father Anton na isa itong pagkakataon nang pagmamalasakit sa kapwa sa kabila na rin ng pagkakaiba ng relihiyon at pananampalataya.
Ang Islamic City ng Marawi ay may higit sa 300 libong populasyon na mayorya ang mga Muslim habang higit lamang sa 2,000 sa mga ito ang mga katoliko.
Una na ring inilunsad ang Duyog Marawi sa pangunguna ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña na layuning pagtutulungan ng mga kristiyano at Muslim sa muling pagbangon ng kanilang lungsod.
Base sa ulat, nangangailangan ng P50 B ang pamahalaan para sa pagsasaayos ng Marawi City dahil sa labis na pinsala dulot ng digmaan.
Sa isang mensahe ni Pope Francis hinihikayat nito ang bawat bansa na iwaksi ang digmaan sa halip ay patuloy na isulong ang dayalogo sa hindi pagkakaunawaan lalu’t kamatayan at pagkasira ng lipunan ang dulot ng kaguluhan.