179 total views
Nagpapasalamat ang Prelatura ng Marawi City sa lahat ng mga tumutulong sa muling pagbangon ng Marawi City matapos ang limang buwang digmaan.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, kabilang na rito ang iba’t-ibang diyosesis at arkidiyosesis ng simbahan, maging ang mga volunteers na iba ang pananampalataya na ang hangarin ay muling makabangon ang Marawi.
“Gratitude. It is always with deep gratitude that we address ourselves to all the people of goodwill. Kahit anuman ang relihiyon kahit anuman ang hugis at kulay ng kanilang pagkatao na tumutulong at patuloy na tumutulong dito sa pagpabangon natin sa Marawi City. Malaki ang aming pasalamat sa lahat ng mga nag-volunteer ng kanilang serbisyo, oras, panahon, resources para maipagtuloy natin ang ating ayuda para sa mga nasalanta dito sa giyera sa Marawi,”pahayag ng Obispo sa panayam ng Radio Veritas.
Mula sa 13 komunidad sa Marawi na nangangailangan ng tulong ay nangangako na ang iba’t-ibang grupo sa simbahan at mga NGO’s ng pakikibahagi sa pagbibigay ng ayuda sa mga residente sa kanilang pangangailangan.
Inako naman ng Caritas Manila-ang Social arm ng Archdiocese ng Manila ang pag-ayuda sa dalawang komunidad na nangangailangan ng kalinga at tulong ng simbahan.
Isa rin sa pangunahing bibigyan ng pansin ng Duyog Marawi ang mga naging bihag ng mga terorista sa loob ng limang buwang kaguluhan.
Ang Duyog Marawi ay inisyatibo ng prelatura kasama ang mga resident eng Marawi- Kristiyano man o Muslim para umagapay sa pangangailangan ng mga apektado ng digmaan.
Base sa mga naunang ulat, aabot sa 300 katao ang naging bihag ng mga terorista sa Marawi City kabilang na dito sina Fr. Teresito Suganob ang vicar general ng Prelatura ng Marawi, kasama ang tatlo pang manggagawa ng simbahan at 7 guro mula sa Dansalan College.
“Una sa lahat, itong programa natin para sa paghilom sa mga sugat ng mga bihag. Iyong mga nakalaya, nakaligtas sila ang tinutulungan natin and im trying very hard to trace their whereabouts. Kasi kailangan na maipaliwanag sa kanila, kasi ang iba ay alanganin dahil mayroon silang security concerns, privacy naiintindihan naman natin.We look at this program as a long term na gamutan. Malalim ang sugat, and its going to be a long process,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Umaabot sa higit 300,000 ang mga residente ng Marawi City ang nagsilikas dulot ng limang buwang digmaan na ang mayorya ng populasyon ay pawang mga Muslim o higit sa 90 porsiyento.
Ang Prelatura ng Marawi ay binubuo ng pitong parokya na pinangangasiwaan ng pitong pari na pawang mula sa Missionaries of Jesus, Franciscans at Missionaries of the Sacred Heart.