304 total views
Ito ang panawagan ni Fr. Teresito ‘Chito’ Suganob, Vicar General at Chancellor ng Prelatura ng Marawi na limang buwang bihag ng mga teroristang grupo na Maute-ISIS.
Ipinaliwanag ni Father Suganob na napatunayan sa nangyaring digmaan sa Marawi na maraming Muslim ang nagmamalasakit sa kanilang kapwa sa kabila ng pagkakaiba ng relihiyon.
Hinimok din ng pari ang mga taga-Luzon at Visayas na magbahagi ng kanilang tulong sa Marawi dahil higit nilang kailangan ang pagdamay ng kapwa tao, at kapwa Filipino.
“Ibig sabihin yung ipinapakita natin, Muslim sila tayo ay Christians, pero sila ang nangangailangan tayo ang meron. Lalu na sa Luzon at Visayas, so yan ang nagbibigay. Ang importante diyan na nakikita ay ang spirit ng pagbibigayan. Iyan ang importante sa interreligious dialogue,yung the act of giving and effort na may kailangan sila,” apela ng pari
Lubos din ang papasalamat ng pari sa mga Katoliko, Protestante, mga Muslim at iba pang religious sector na nagdasal para sa kaniyang kaligtasan.
Naniniwala si Father Suganob na malaki ang magiging bahagi ng pakikinig at pakikipag-usap sa mga kapatid na Muslim sa Mindanao para ipagpatuloy ang kapayapaan.
“Pinaka-una sa lahat, intindihin din sila. Kung saan sila nanggagaling. At intindihin din kung bakit sila may struggle, na umaabot pa sa arm struggle. Yung mga feelings nila, bakit sila masasabing nasasaktan sila, hindi sila tinitingnan kung ano ang kailangan. Kailangan siguro natin ‘listening’, pakikinggan talaga ang pinaka-puno at dulo.” Pahayag ni Father Suganob sa panayam ng Radio Veritas.
Ang Marawi na may higit sa 300,000 populasyon ang natatanging Islamic City sa bansa kung saan 90-percent ay Muslim, habang mababa sa 10- porsiyento ang mga binyagan.
Mahigit naman sa P50-bilyon ang kinakailangang pondo para muling maibangon ang lungsod na nasira ng digmaan.