439 total views
Ipinapaalala ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes sa mga mananampalataya na matutong magpigil at kontrolin ang sarili sa paggamit ng smartphones habang nasa loob ng simbahan at nakikisa sa banal na pagdiriwang.
Ayon kay Bishop Bastes, chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Mission, hindi masama ang paggamit at pagtangkilik sa modernong teknolohiya subalit kailangang iaayon ito sa lugar na pupuntahan.
“As a pastor, as a bishop I find it [smartphones] very useful that we have this because anybody has it anyway. The bad one is to abuse it to use that in the wrong time like during mass or during religious services- they have to control themselves. The Pope simple says what is to be done,” paalala ni Bishop Bastes.
Inihayag ng Obispo na ang Simbahan ay itinuturing na tahanan ng Panginoon na dapat igalang at bigyang pagpapahalaga kung kaya’t ang pagtetext o pagkuha ng larawan habang isinasagawa ang sagradong pagtitipon ay hindi sinasang-ayunan ng Simbahang Katolika.
Sa tala, ikatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa Timog Silangang Asya na may pinakamaraming bilang ng smartphone users kung saan sinasabing tatlo sa bawat sampung Filipino ang mayroong cellphone.
Una nang sinalungat ng Kanyang Kabanalan Francisco ang paggamit ng cellphone habang nasa simbahan na pangunahing nakapagdudulot ng pagkagambala sa gawaing Simbahan.
Sinabi ni Pope Francis na ang misa ay hindi isang palabas bagkus ito ay pag-alala sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon.