180 total views
Mariing tinututulan ni Fatrher Niño Garcia, Parish Priest ng San Lorenzo Ruiz Parish sa Manicani, Guian Eastern Samar ang muling pagre-renew ng Hinatuan Mining Corporation ng Mineral Production Sharing Agreement nito upang muling makapagmina sa lugar.
Ayon kay Father Garcia, kung mapagkakalooban muli ng MPSA ang kumpanya ay 25 taon nanaman itong makapagmimina sa kanilang lugar.
Sinabi ng pari na nangangahulugan ito ng 25 taon ng pagkasira ng kanilang isla at mga karatig na bayan, at pagdurusa ng mamamayan.
“Ang impact nito hindi lang po sa island ng Manicani kundi sa katabing islands din at kasama ang mainland ng Guian. Environmental impact, nakakasira doon sa ecological system, at ang pinaka malalang nagiging problema ng diocese ngayon kasi nga marerenew sila for another 25 years, could mean another 25 years of suffering for my parishioners.” Pahayag ni Fr. Garcia sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Pari hindi lamang pagkasira sa kapaligiran at panganib sa kalusugan ang naidudulot ng pagmimina kundi pati ang pagkakawatak-watak ng mga pamilya at pagkakaroon ng alitan ng mga magkakaibigang pabor at tutol sa pagmimina.
“Ang nangyayari ngayon, ang magkakapamilya, lalo na naggawa din ng sariling rallies ang pro-mining groups ay nagbabangayan sila at it could mean again another 25 years of cursing even their relatives. 25-years silang hindi magkakausap, magkakahiwalay, mag aaway-away, nasisira ang relationship ng family, naghihiwa-hiwalay ang magkakaibigan, magkakapamilya dahil sa issue ng mina,” dagdag pa ng Pari.
Sa kabuuan ang Manicani Island ay may lawak na 1,165 hektarya, at binubuo ito ng apat na mga barangay.
Ang HMC na nagmimina sa isla ay natukoy na subsidiary ng Nickel Asia Corporation, ang pinakamalaking kumpanya ng minahan sa Pilipinas.
Nauna rito, inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical na Laudato Si ang mariing pagtutol niya sa pagmimina dahil sa nagiiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan.