230 total views
Hinimok ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang taumbayan na magsisi at magbago para magsimula ang paghihilom sa buong bansa.
Ginawa ni Bishop Pabillo ang panawagan kaugnay sa patuloy na kampanya ng Simbahang Katolika na “Stop the Killings, Start the Healing”.
Ayon sa Obispo, dapat pagsisihan ng taumbayan ang pagbalewala at hindi pakikisangkot sa suliraning lumalaganap sa lipunan lalu ang pagdami ng mga namamatay sa kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga.
“Kailangan tayong lahat na magsisi, magbago upang magkaroon ng paghihilom para sa ating bansa. Ito’y pananawagan sa lahat na ang ating pagsisisihan, ang ating hindi pamamakialam sa mga nangyayari, o pagbabalewala ng mga nangyayari, ay kinakailangan po tayong magbago na.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Bukod dito, nanawagan din ang Obispo sa mga halal na opisyal na paglingkuran ang mamamayan at hindi ang pansarili nilang interes.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, ang bayan ng Diyos ang siyang nagluklok sa kanila sa katungkulan kaya dapat pangunahing pangalagaan ng mga pulitiko ang interes ng marami at ang makabubuti sa mga mahihirap.
“Sana yung mga pulitiko natin ay talagang paglingkuran nila ang bayan hindi yung political career. Ang mga pulitikong nandiyan kasi sila’y hinalal ng bayan ng Diyos kaya dapat tingnan nila ano yung ikabubuti ng bayan hindi ang ikabubuti ng kanilang political future at party line, mahalaga yung bayan na syang naghalal sa kanila.” Dagdag pa ng Obispo.
Ang kampanya ng simbahan upang matigil na ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga ay inilunsad noong ika-5 ng Nobyembre sa EDSA Shrine sa pamamagitan ng Banal na Misa.
Sa kasalukuyan ay patuloy na hinihimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na patuloy na manalangin at ialay ang pagdarasal ng Santo Rosaryo para sa mga naging biktima ng Extrajudicial Killings.
Ang tatlumput tatlong araw ng pananalangin ay magtatapos sa ika-8 ng Disyembre, kasabay ng paggunita sa Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang paglilihi ni Maria.