211 total views
Nagpapasalamat ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)sa Archdiocese of Zamboanga at sa pamahalaang lungsod ng Zamboanga sa katatapos lamang na National Youth Day.
Ayon kay Fr. Cunegundo Garganta, executive secretary CBCP-Episcopal Commission on Youth malaki ang naging ambag ng pamunuan ni Zamboanga City Mayor Isabel Climaco-Salazar para maging matagumpay ang pagdiriwang partikular na rito ang kaligtasan ng mga nagsidalong kabataan.
“Yun po ang irony of all irony. Inasahan mong mahihirap ang kalagayan ng security pero it turned out everything is well planned. Pagdating sa security ayos lahat wala namang kaming naengkwentro na anumang suliranin. Karaniwan yung mga check point kasi karamihan ay by land. But nonetheless very friendly and peaceful ang kanilang karanasan,” ayon kay Fr. Garganta.
Dagdag pa ng pari; “Yun nga yun isang naging balakid sa marami na magdalawang isip na magparticipate sa Zamboanga.”
Sa pinakahuling, tala 2,026 na kabataan mula sa iba’t ibang lugar ang dumalo bukod pa sa 184 na delegado ng Archdiocese ng Zamboanga na nagsilbi bilang mga facilator ng programa.
Una na ring inihayag ng Santo Papa Francisco ang pagsusulong ng vocational culture para sa mga kabataan para tumimo ang pakikiisa sa pangangalaga ng buhay at ang paglilingkod sa simbahan ng may kasiyahan.
Labing anim din ang kinatawan ng Prelatura ng Marawi na dumalo sa pagdiriwang sa kabila ng katatapos lamang na digmaan sa nasabing lungsod.
Pinatunayan din ng Zamboanga City ang kanilang kahandaan sa pagtanggap at pag-organisa ng malaking pagtitipon matapos na rin ang naganap na Zamboanga siege noong 2013 na umabot sa isang buwang kaguluhan.
Nanatili din umiiral ang batas militar sa Mindanao region kung saan nasasakop ang Zamboanga City dahil na rin sa digmaan noon sa Marawi City, inaasahang magtatapos ang batas militar sa katapusan ng Disyembre.