187 total views
Marami ang natatakot sa usapan ukol sa kamatayan. Kapanalig, ang usapang ito ay maaring maging daan sa mas masiglang buhay, lalo pa’t kung binibigyan tayo ng impormasyon upang tayo ay makapag-ingat.
Sa ating bayan, ang top ten leading causes of death ay pinangungunahan ng sakit sa puso, stroke, at cancer. Kapanalig, ang mga sakit na ito ay maiiwasan dahil kadalasan, mga lifestyle choices ang nagdudulot ng kanilang paglala.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumataas ang bilang nga mga mamamayang Pilipino na namamatay dahil sa heart diseases. Nuong 2011, 107,294 na Pilipino ang nagupo ng sakit na ito. Noong 2013, tumaas pa ito ng 118,740. Kapanalig, ang bilang na yan ay mas marami pa sa bilang ng mga namamatay dahil sa natural disasters, gaya ng typhoon Yolanda. Ang heart attack ay silent killer, at marami itong nabibikitma kada taon.
Ang top 2 cause of death sa ating bayan ay cerebrovascular diseases o stroke. Ang stroke kapanalig ay malaking burden o dalahin. Kung hindi ka nagupo ng stroke, lubhang pinapababa nito ang kalidad ng buhay dahil kaya nitong gawing “slurred” ang ating pananalita, at kaya nito tayong iparalisa. Ang rehabilitasyon mula sa stroke ay mahal at matagal. Base pa rin sa PSA, ang bilang ng mga namatay sa bayan noong 2011 dahil sa stroke ay umabot ng 60,588. Bumaba naman ito sa 54,578 noong 2013.
Kapanalig, kailangan natin ng ibayong pag-iingat. Hindi sapat ang kaalaman pagdating sa mga sakit na ito. Kailangan aksyon. Para na rin itong epidemya na kumakalat hindi lamang sa bansa, kundi sa mundo. Ang heart attack at stroke kasi kapanalig ay maaring maiwasan kung mapapangalagaan lamang natin ang ating pangangatawan.
Unang una, suriin natin ang ating lifestyle. Stressful ba ito? Lagi bang tumataas ang BP natin dahil sa init ng ulo? Nakakapag-ehersisyo ba kayo? O lagi kayong sendetary o naka-upo? Ayon sa mga health experts, “sitting is the new smoking.” Kaya nga’t may katotohanan ang biro na galaw galaw para hindi pumanaw.
Ang ating kinakain din kapanalig, ay malaki ang implikasyon sa ating kalusugan. Piliin natin ang pagkain magbibigay sa atin ng sustansya. Ang pagkain ay parang langis din sa ating katawan. Kapag kulang sa sustansya, masisira kalaunan ang ating makinilya.
Kapanalig, kailangan magtulungan ang pamahalaan at mamamayan upang masugpo at mapababa ang bilang ng mga taong nabibiktima ng heart attack at stroke. Kailangan maisulong natin ang mas malusog na lifestyle sa ating bayan. Ito ay bahagi ng pagpapalaganap ng kabutihan para sa balana o common good. Ayon nga sa Economic Justice for All, ang ating lipunan ay may angking responsibilidad sa pagsulong ng kabutihan ng balana. Ito ay sinususugan ng Deus Caritas Est na nagsasabi na “Hindi natin dapat bitiwan ang ating responsibilidad na makilahok sa pagsulong ng buhay ng ating kapwa.”