2,566 total views
Kapanalig, tila mas kailangan natin ngayon ng mas mabilis at mas epektibong aksyon upang mapuksa ang karahasan laban sa kababaihan sa ating nasyonal at maging global na lipunan.
Makikita natin sa mga balita ngayon, lalo sa mga balitang internasyonal, na ang gender-based violence ay kalat at marami ang bikitma. Kahit pa mayaman, nabibikitma nito. Kahit bata o matanda, nasusukol nito.
Sa ating bansa, marami pa rin ang nabibiktima ng krimen na ito. Ayon sa National Demographic and Health Survey (NDHS) 2013, isa sa limang babae ay nakaranas na ng physical violence simula pa noong sila ay 15 years old. Anim sa 100 na Pilipina may edad 15 hanggang 49 ang nagsasabi na sila ay nakaranas na ng sexual violence. Ang masaklap pa rito, 4% ng na-survey ng NDHS na babae edad 15 to 49 ay nakaranas na ng physical violence kahit sila ay buntis.
Ang mas malungkot dito, kapanalig, tatlo lamang sa sampung babae ang humingi ng tulong upang matigil na ang pananakit sa kanila. Noong January to December 2016, 31,580 na kaso laban sa RA 9262 o The Anti-Violence Against Women and their Children Act. Kung mas marami siguro ang nagreport at humingi ng tulong, mas mataas pa ang bilang na ito.
Kapanalig, dapat walang puwang ang karahasan sa buhay nating lahat. Hindi tama na may nasasaktan sa ating tahanan. Ang babae, kaya’t mas nabibigyan ng atensyon ang pananakit sa kanila, ay mas “prone” sa karahasan dahil na rin magka-iba ang ang pangangatawan ng magkaibang kasarian.
Marami ang ating maaring magawa upang masugpo na ang krimen na ito. Ang Philippine Commision on Women (PCW) ay nagbigay ng mga payo at paraan: para sa kababaihan, payo nito “Empower yourself.” Dapat alamin ng kababaihan ang kanilang mga karapatan at mga maaring lunas kung nalapastangan ang kanilang karapatan. Kailangan din nila magsalita at magsumbong sa otoridad. Kailangan din tumulong at yakagin ang ibang babae na ipaglaban ang kanilang karapatan.
Minumungkahi rin ng PCW sa mga kalalakihan na respetuhin ang babae kahit saan pa sila naroroon. Palaguin din nila dapat ang kanilang kaalaman ukol sa karahasan laban sa kababaihan at mga pagkakataong maari silang makatulong upang masugpo ito. Tulungan din nila na magkaroon ng mas malalim na kaalaman ang iba pang mga kalalakihan ukol dito.
Ito ay mga panimulang aksyon pa lamang, at kulang na kulang pa ito upang tuluyang mawaksi ang karahasan laban sa kababaihan. Kapanalig, ang ating kapwa, kahit ano pa ang kasarian, ay ating kapatid. Bilang kapatid, sila ay dapat nating minamahal, hindi sinasaktan. Ayon nga sa Justicia in Mundo ng Panlipunang Turo ng Simbahan: ang pagsulong ng katarungan ay pagsasabuhay ng magandang balita, at nagpapalaya sa ating lahat mula sa kalupitan at karahasan.