286 total views
Patuloy na pinaiigting ng Simbahang Katolika ang pagpapatupad ng mga programa para sa mga mahihirap sa buong bansa.
Ayon kay Finda Lacanlalay – Director ng Assisi Development Foundation Hapag-asa feeding program, mas pinalalawig nila ngayon ang Zero Extreme Poverty Philippines 2030 na inilunsad ng simbahan noong 2015.
Layunin nito na matulungan ang may 1-milyong pinaka mahihirap na pamilya o 5 milyong indibidwal mula sa 350 mga piling munisipalidad sa bansa hanggang sa taong 2030.
“Ang tutugunan po nitong zero extreme poverty ay yung mga taong tinatawag ng ating simbahan na nasa gilid-gilid o talagang laylayan ng ating lipunan.” pahayag ni Lacanlalay sa Radyo Veritas.
Dahil dito, sinabi ni Lacanlalay na ang gaganaping World day of the Poor sa darating na Linggo ika-19 ng Nobyembre ay magandang pagkakataon upang maitaas ang kamalayan ng mga tao sa mga programa ng simbahang katolika para sa mga mahihirap.
Sinabi ni Lacanlalay na ang World Day of the Poor ay isang magandang oportunidad upang mapukaw ang puso ng iba pang mga Filipino na tulungan ang kanilang kapwa at kababayan na makaahon mula sa kahirapan.
“Ang aming request, talagang tayo pong Filipino, 1 out of 5 ay mahirap meron pong apat na pwedeng tumulong, so ano po yung ating magagawa bilang anak ng Diyos, bilang mamamayang Filipino upang matulungan yung ating kapatid na naghihirap..” Dagdag pa ni Lacanlalay.
Sa datos ng pamahalaan 26 na milyong mga Filipino ang namumuhay ng mahirap at halos 12-milyon naman ang nasasadlak sa labis na kahirapan.
Dahil dito, patuloy ding nagpapaalala ang Kanyang Kabanalan Francisco na ipadama sa ating kapwa na naghihirap ang pagmamahal, awa at habag ng Panginoon hindi lamang sa mga salita kundi sa pamamagitan ng mga kongkretong gawa.