256 total views
Dalawamput limang dating bihag ng Maute-ISIS terrorist ang sumailalim sa 3-day program ng Duyog Marawi.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, ito ang pangunahing programa ng Duyog Marawi para matulungan ang mga naging bihag ng mga terorista na mapawi ang kanilang takot at pangamba sa masamang karanasan ng digmaan.
Ang Duyog Marawi ay inisyatibo ng Prelatura ng Marawi katuwang ang mga volunteers at mga residente ng lungsod na ang layunin ay tulungan ang mga biktima ng digmaan, hindi lamang sa kanilang araw-araw na kundi maging sa kanilang psychosocial needs.
“They will be able to move on. Ipinakita na rin nila na that they can move on already. They know how to smile already. And they feel joy in their hearts, so sinabi nila that we can move on. We just have need to learn this new way of facing…hindi na sila natatakot. They are no longer under the griefs of terrible fear,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Ang mga biktima ring ito ang naatasan para hanapin ang ibang mga naging bihag at sumailalim sa parehong proseso upang maibalik sa normal ang kanilang buhay.
“We gave them some kind of mission. To locate their companions and link them to us para ma-invite natin sila sa susunod na batch. And then sila naman ang magiging sponsor doon, and they will become apostolic in their experienced of healing, ipaparating din nila sa iba. So that others will also experience the same. Apostolic spirit of, ikaw ang nakatanggap ng biyaya and you share that gift to others as well,” ayon pa kay Bishop Dela Peña.
Sa ulat, hindi bababa sa 600 katao ang naging bihag ng mga terorista sa loob ng limang buwang Marawi siege.
Nilinaw din ng obispo na ang programa ay hindi lamang sa mga kristiyano kundi maging sa Muslim na dumanas ng parehong karanasan sa digmaan.
Buwan ng Mayo nang maganap ang Marawi siege na tumagal ng limang buwan at nakaapekto sa buong mamamayan ng Marawi na higit sa 300,000 mga residente.
Umaabot naman sa P50 bilyong piso ang kinakailangang pondo para sa rehabilitasyon ng lungsod na labis na naapektuhan ng digmaan.
Patuloy naman ang panawagan ng Santo Papa Francisco sa international community na maging bahagi sa pagpapanatili ng kapayapaan sa buong mundo, lalut pagkasira ng lipunan at kamatayan ang bunga ng digmaan.