274 total views
Sa darating na ika-30 ng Nobyembre, Huwebes, pormal na isasara ng Lubhang Kgg. Buenaventura M. Famadico, D.D. ang Banal na Pintuan ng Katedral ng San Pablo Unang Ermitanyo, Lungsod ng San Pablo, bilang pagtatapos ng pagdiriwang ng Ginintuang Hubileyo ng Diyosesis ng San Pablo.
Ang maringal ng pagtatapos ay isasagawa sa tatlong bahagi: sa ganap na ika-1 ng hapon, magbibigay ng panayam hinggil sa “Taon ng mga Layko” ang Obispo Bernardino Cortez ng Infanta, sa ika-2 ng hapon ay isasagawa ang Banal na Misa at ang Maringal na Pagsasara ng Banal na Pintuan sa Katedral ng San Pablo, at sa ganap na ika-3 ng hapon naman ay isasagawa mula sa harap ng Katedral patungo sa mga piling lansangan ng lungsod ang “Grand Jubilee Procession” na lalahukan ng lahat ng parokya ng Diyosesis.
Tampok sa Grand Jubilee Procession ang iba’t ibang patron ng mga parokya ng Laguna, kabilang na dito ang mapaghimala at dinadayo na imahen ang Nakahimlay na Kristo sa Libingan, o mas kilala bilang “Lolo Uweng” ng Landayan, Lungsod ng San Pedro. Masaya rin na ipuprusisyon ang bantog na imahen ng Nuestra Señora delos Dolores de Turumba ng bayan ng Pakil.
Ang pagdiriwang ng Ginintuang Hubileyo ng Diyosesis ay umikot sa tema ng Pagpapasalamat, Pagpapalaganap, at Paghahangad.
Sabi ni Obispo Famadico, ang pagdiriwang ng Ginintuang Hubileyo ng San Pablo ay sama-samang “pagsusumikap na tumupad sa kautusan [ni Kristo] na ibigin siya nang buong puso, kaluluwa at pag-iisip, at ang kapwa katulad ng pag-ibig natin sa ating sarili.”
Ayon na rin sa kanya, “mainam na ating mapag-ibayo ang pag-ibig sa pamamagitan ng mataimtim na pananalangin at ng walang sukat na pag-aalay ng sarili para sa ating kapwa” bilang mga makabuluhang gawain at aral na itinuturo ng pagdiriwang Ginintuang Hubileyo.
Bukod sa Banal na Pintuan ng Katedral, naging makabuluhan din ang pagdiriwang ng Ginintuang Taon ng Hubileyo dahil sa libu-libong mga nagsagawa ng banal na paglalakbay sa 12 Simbahang Pang-Hubileyo na itinakda ng Diyosesis:
- Katedral ni San Pablo Unang Ermitanyo (San Pablo City)
- Pang-Diyosesis na Dambana ni Hesus na nasa Banal na Libingan (Landayan, City of San Pedro)
- Our Lady of the Most Holy Rosary Parish (Rosario Complex, City of San Pedro)
- Parokya ni San Isidro Labrador (Poblacion, City of Biñan)
- Parokya ni Sta. Rosa ng Lima (Poblacion, Santa Rosa City)
- Parokya ni San Juan Bautista (Poblacion, Calamba City)
- Parokya ni San Agustin (Poblacion, Bay)
- Pang-Diyosesis na Dambana ni San Antonio de Padua (Poblacion, Pila)
- Parokya ni San Juan Bautista (Poblacion, Liliw)
- Pang-Diyosesis na Dambana ng Mahal na Birhen ng Guadalupe (Poblacion, Pagsanjan)
- Pang-Diyosesis na Dambana ng Mahal na Birhen ng Turumba (Poblacion, Pakil)
- Parokya ni San Pedro at San Pablo (Poblacion, Siniloan)
Samantala, humingi ng pang-unawa at pinayuhan naman ni Rdo. Padre David Reyes, Direktor ng San Pablo Diocesan Commission on Social Communications, ang lahat ng mga dadaan sa Lungsod ng San Pablo sa darating na Huwebes na asahan na ang matinding trapiko at pagsasara ng ilang mga lansangan dahil sa pagdiriwang na ito. Ipinabatid din niya na nakikipagtulungan na ang pamunuan ng Diyosesis ng San Pablo sa lokal na pamahalaan at kapulisan upang maging maayos at mapayapa ang pagdiriwang ng pagtatapos ng Ginintuang Hubileyo.
Ang Diyosesis ng San Pablo ay binubuo ng 2.8 milyong mga Katoliko mula sa 87 na mga parokya na matatagpuan sa anim na lungsod at 24 na bayan ng lalawigan ng Laguna. Ito ay itinatag ni Beato Papa Pablo VI noong ika-28 ng Nobyembre 1966 sa bisa ng Konstitutsyong Apostolika “Ecclesiarum per ampla.”