275 total views
Biyaya at grasya ng Espiritu Santo ang nagpatibay sa Diyosesis ng San Pablo, Laguna sa nakalipas na limampung taon.
Ito ang inihayag ni San Pablo Bishop Ben Famadico kaugnay sa maringal na pagtatapos ng Diocesan Golden Jubilee Celebration noong ika-30 ng Nobyembre.
Ayon sa Obispo, maraming pagsubok ang kinaharap ng Diyosesis sa nakalipas na limang dekada at hindi magiging posible ang kanilang paglalakbay kung wala ang pangpupunyagi ng mga obispo at mananampalataya lalo’t higit ang paggabay ng Espiritu Santo.
“Katulad ng lahat ng diyosesis, kami ay naglalakbay at ang paglalakbay na ito ay sa patungo buhay-pananamplataya at kailangan natin ang tulong at liwanang ng Espiritu Santo, “ pahayag ni Bishop Famadico.
Ibinahagi rin ni Bishop Famadico na bago lumago sa 87 mga parokya sa diyosesis ay nagsimula muna ito bilang maliit na komunidad ng mga Kristiyano.
“Nagsimula kami na kakaunti ang mga parokya, kakaunti ang mga pari pero ngayon ay dumami na ‘yan sa tulong ng mga Obispo na naging bahagi nitong aming Diyosesis at ang lahat ng ito ay aming pinagpapasalamat,” dagdag ng Obispo.
Kasabay ng pagdiriwang ng banal na misa ay isinagawa rin ang pormal na pagsasara ng Jubilee Door ng Saint Paul the First Hermit Cathedral na dinaluhan ng mahigit sa isang daang mga pari, mga Obispo mula sa karatig lalawigan gayundin si Apostolic Nuncio to the Philippines Gabriele Giordano Caccia.
Kasunod nito ay idinaos naman ang Grand Jubilee Procession na kinatampukan ng 87 mga karosa at imahen kabilang na ang mapaghimala at dinadarayong Nakahimlay na Kristo sa Libingan o mas kilala bilang ‘Lolo Uweng’ at ang Nuestra Señora delos Dolores de Turumba.
Sumentro sa temang Pagpapasalamat, Pagpapalaganap at Paghahangad ang selebrasyon na sumasalamin sa naging tatlong taong paghahanda ng Diocese of San Pablo para sa kanilang ginutuang hubileyo.
Bagamat bumuhos ang malakas na ulan sa kalagitnaan ng pagdiriwang ay hindi natinag ang nasa mahigit 8-libong mananampalataya sa labas ng katedral na nagpapatunay lamang ng kanilang matibay na debosyon kay San Pablo.
Itinatag noong ika-28 ng Nobyembre 1966 ni Beato Papa Pablo VI, ang Diocese of San Pablo sa kasalukuyan ay binubuo ng 2.8 milyong katoliko.