2,474 total views
Sa panahon ngayon, kapanalig, ang inobasyon ang kadalasan nagdidikta ng direksyon at tagumpay ng isang negosyo. Dahil sa inobasyon, nabibigyan ng distinksyon, kaibahan, at praktikalidad ang isang produkto o serbisyo.
Ang Philippine Institute of Development Studies o PIDS ay may isang pag-aaral na ginawa ukol sa pagsukat ng inobasyon sa hanay ng mga kompanya o firms sa bansa. Ayon sa pag-aaral na ito, ang inobasyon ay ang pag-implement o pagsakatuparan ng mga makabagong produkto, serbisyo, proseso ng produksyon, marketing, o paraang pag-organisasyon upang makaragdag ng halaga o value. Mahalaga na magkaroon tayo ng sukatan ng inobasyon dahil, ayon nga sa pagsusuri na ito, malaki ang kaugnayan nito sa paglago ng ekonomiya ng isang bansa.
Ayon sa pag-aaral nng PIDS, hindi aabot sa kalahati ng lahat ng mga negosyo sa bansa ang matuturing na innovators. Liban pa dito, kadalasan, ang mga innovators ay mga malakihang kumpanya, at hindi mga micro, small, and medium establishments (MSMEs).
Nakita rin ng pagsusuri na ito na karamihan sa mga inobasyon sa mga negosyo sa ating bansa ay kaugnay ng proseso, hindi produkto. At kadalasan, ang nagtutulak sa inobasyon ay gastos, at gastos din ang pangunahing balakid. Kung titingnan ang 2016 Global Innovation Index (GII) Report 2, pang 74 sa 128 ekonomiya ang Pilipinas pagdating sa “overall measure of the innovation climate.” Ag GII ay sumusukat ng inobasyon sa mga institusyon ng isang bansa, pangtaong kapital (human capital) at pananaliksik, imprastraktura, sa merkado at negosyo, pati na rin sa knowledge o kaalaman, at teknolohiya.
Kailangan pa natin itaguyod at ipalaganap ang ispiritu ng inobasyon sa bansa. Nagbibigay kasi ito ng buhay at sigla hindi lamang isa mga negosyo, kundi sa merkado at mga akademikong institutusyon. Nililinang nito ang pag-iisip ng mga kabataan hindi lamang tungo sa mga imbensyon at makabagong ideya, kundi sa halaga ng praktikalidad at pananaliksik.
Kaya lamang kapanalig, napakaliit ng budget ng bayan para sa research and development, na siyang backbone o gulugod ng inobasyon. Nasa 0.14% lamang ng ating GDP ang gastos para sa R&D. Sa Singapore, na siyang benchmark ng marami, ay nasa 2.4%.
Kapanalig, ang Mater et Magistra ay may akmang katuruan ukol sa isyung ito. Ayon dito, ang bansang nasa gitna ng kahirapan at gutom ay dapat gumawa ng lahat ng paraan upang maibigay sa lahat ng mga mamamayan ang kaukulang siyentipiko, teknikal, at propesyonal na kalinangan at kasanayan na kanilang kailangan. Dapat din ibigay sa kanila ang kailangang kapital upang mapabilis ang pagsulong ng ekonomiya sa tulong ng modernong paraan.