208 total views
Mga Kapanalig, maliban sa pagkakaroon ng magagandang tanawin, masasayang kapistahan, at masasarap na pagkain, may mga lugar sa ating bansa ang nagpupursiging makilala bilang “drug-free.” Halimbawa nito ang lungsod ng Ormoc sa Leyte, at ang mga probinsya ng Batanes at Romblon na wala raw bentahan ng ipinagbabawal na droga.
At ginagamit na rin ang “tatak” na “drug-free” sa mga pamilya. Sa isang paaralan, pinagpalista ng isang guro ang mga magulang sa isang papel na may pamagat na “Ang aming pamilya ay drug-free”. Inireklamo ito ng isang magulang, lalo pa’t paliwanag daw ng guro, mangangahulugan daw na may drug addict sa pamilya kung wala sila sa listahan. Tama lamang na umalma ang magulang dahil para bang tinatatakan ang mga bata at ang kanilang pamilya, lalo na ngayong umiiral ang isang kampanya kontra droga na para bang kahit sino ay maaari na lang patayin kahit batay lamang sa hinala o bintang ang pagkakasangkot nila sa droga.
Nilinaw ng Department of Education (o DepEd) na wala itong direktiba sa mga paaralan upang tanungin ang pamilya ng mga mag-aaral kung drug-free sila. Paliwanag naman ng pamunuan ng paaralan, simpleng attendance sheet lamang daw iyon para sa kanilang aktibidad kaugnay ng Drug Abuse Prevention and Control Week. Inamin naman ng guro na biro lamang daw ang kanyang sinabi. Hindi natin alam kung may iba pang gurong kayang magbitiw ng ganitong klase ng biro sa gitna ng mga nagaganap na kaliwa’t kanang patayan. Hindi katanggap-tanggap ang birong ito dahil maaaring malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga pamilya, drug-free man sila o hindi.
Habang marami sa atin ang abalá sa pagsubaybay sa mga napapatay bunsod ng giyera kontra droga ng administrasyon, hindi natin namamalayang nakapasok na sa mga paaralan ng ating mga anak ang paghahanap sa mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Nagsimula ito sa mandatory-drug testing na ipinapatupad na ng DepEd. Mainam kung layunin nitong tulungan ang mga bata upang huwag nang humantong sa pagkalulóng ang paggamit nila ng droga. Gayunman, hindi pa rin malinaw kung ano ang programang pagdaraanan ng mga estudyanteng positibong gumagamit ng droga, nang hindi mailalantad ang kanilang pagkakakilanlan. Mapanganib po kasing maging “tatak” ng isang bata ang pagiging “drug user” lalo na’t agad silang itinuturing ng mga tao bilang mga kriminal sa halip na mga taong may medikal na pangangailangan.
Bilang mga institusyong humuhubog sa dunong at pagkatao ng mga bata, inaasahan ang mga paaralan na maging lugar kung saan pinapahalagahan at iniingatan ang katotohanan. Ngayong patuloy ang war on drugs ng pamahalaan, nasa kritikal na posisyon ang mga paaralan upang turuan ang kabataan tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa proseso ng batas, sa halaga ng buhay at dignidad ng tao, at sa paggalang sa mga karapatang pantao. Tungkulin din ng mga paaralang ituwid ang mga baluktot na pananaw at paniniwala, hindi ang ilagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ng kanilang pamilya para lamang sundin ang kagustuhan ng mga pinunong karahasan at takot ang nais palaganapin.
Para sa Simbahan, hinihingi ng modernong panahon ang “intensive educational efforts and commitment for the quest for truth,” ang masinsinang pagtuturo at pagtataya sa paghanap sa katotohanan. Ang ating mga paaralan, sa pangunguna ng mga guro, ay may malaking papel dito.
Bantayan natin, mga Kapanalig, ang kaligtasan ng mga bata laban sa mga patakaran—o kahit mga pagbibiro—sa kanilang paaralan na maaaring ilagay sa alanganin ang kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pagtatatak sa kanila bilang “drug-free.” Subaybayan din sana ng DepEd ang mga paaralan, nang sa gayon ay maging kampante ang mga magulang na ang kanilang mga anak ay nasa pangangalaga ng mga gurong marunong humubog ng pagkatao at hindi nagbibitiw ng mga maling biro.
Sumainyo ang katotohanan.