191 total views
Ito ang mensahe ng Kaniyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa bawat mananampalataya sa pagdiriwang ng Solemnity of the Immaculate Conception na ginanap sa Cathedral Basilica of the Immaculate Conception.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang bawat isa ay tumanggap ng biyaya at galing mula sa Panginoon na dapat gamitin sa wasto sa pamamagitan ng isang misyon.
“Tayo po lahat ay mayroon tayong blessings and graces. Bakit binigay ‘yan ng Diyos para sa misyon. Hindi lang para sa sarili ‘yan. Kapag nakadiskubre tayo ng blessings, huwag nating sasabihin ang blessed ko naman ang galing ko naman. Ang palad ko naman. Tanungin din, bakit kaya ako binigyan ng ganitong blessing? Ano kaya ang misyon para sa akin? Blessing, grace is a calling to mission,” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle.
Paliwanag ni Cardinal Tagle ang puspos na pagpapala at pagtatangi ng Panginoon sa Inang Maria ay para ihanda sa kaniyang misyon na dalhin sa sinapupunan ang Anak ng Diyos-ang manunubos ng sanlibutan mula sa pagkakasala.
“She is graced so that She can fulfill her mission to be the Mother of the Son of the Most High God,” ayon kay Cardinal Tagle.
Si Maria na kalinis-linisang ipinaglihi ng kaniyang inang si Sta. Ana ang nagsilbing pintuan ng Ama para sa pagpasok ni Hesukristo sa mundo at makisalamuha sa mga makasalanan para tupdin ang itinakda ng Diyos Ama.
Tulad ni Maria ang bawat isa rin ay binigyan ng biyaya ng Panginoon at hinugasan mula sa kasalanang mana sa pamamagitan ng sakramento ng binyag.
Bukod sa araw ng Linggo kabilang sa mga itinalaga bilang holiday of obligation o araw ng pangilin ang December 8- Immaculate Conception, ang December 25 araw ng Pagsilang ni Hesus at ang January 1 -ang Solemnity of Mary, the Holy Mother of God.
Ang titulo ng imahe ng Immaculate Conception ang pangunahing patrona ng Pilipinas, at bukod sa Manila Cathedral ilang ding katedral ang nakatalaga sa parehong patrona kabilang ang katedral ng Ozamis City, Pasog, Malolos at Cubao.
Kabilang din sa dumalo sa pagdiriwang ng misa si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Caccia at mga pari mula sa Archdiocese of Manila.