367 total views
Hamon sa paglilingkod at magsisilbing inspirasyon ng mga pari sa kanyang sambayanan ang kamatayan ni Fr. Marcelito ‘Tito’ Paez.
Ito ang mensahe ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari kaugnay sa misa ng pag-alaala para sa kaluluwa ni Fr. Paez na ginanap sa St. John the Worker Cathedral sa San Jose, Nueva Ecija.
“Ang Pag-ibig sa bayan ay hindi taliwas sa Pag-ibig sa Diyos bagkus ito ay dapat sumasalamin sa tunay na kahulugan ng pagmamahal ng Diyos. Sa pagtugon natin sa tawag ng Diyos, tayo ay ipinadala sa mga kongkretong sitwasyon na nag-aanyayang makialam sa mga usaping panlipunan, na dapat ipaglaban ang karapatang pantao at manindigan para sa kabanalan ng buhay at humanap ng katarungan sa mga naapi at mga pinagkaitan,” bahagi ng homiliya ni Bishop Mallari.
Si Fr. Paez, 72 taong gulang na pari ay binaril at napatay ng hindi pa tukoy na salarin sa Jaen, Nueva Ecija.
Ang pangyayari ay naganap ilang oras matapos niyang manggaling sa provincial jail at tinulungan sa paglaya ang isang lider magsasaka na inaresto noong Marso.
Sa kabila ng pagluluksa, umaasa rin si Bishop Mallari na magsisilbi itong hamon at inspirasyon sa bawat pari hinggil sa tungkulin ng paglilingkod sa Diyos at sa bayan lalu’t binibigyan tuon ngayong taon ang ‘Year of the Clergy and Consecrated Persons: Renewed Servants on the New Evangelization.
“Ang pagkamatay ni Fr. Tito ay isang magandang pagkakataon upang ilagay natin ang ating mga sarili sa harap ng Diyos. Ano ba ang hamon nito na magdudulot ng pagbabago sa bawat isa? Ano ba ang sinasabi nito para sa pagbabago ng ating kaparian at lahat nang nagtalaga ng buhay sa Diyos? Ano ba ang itinuturo sa atin ni Fr. Tito sa kaniyang kamatayan na malalim na natanim sa mga araw ng kanyang burol?” pahayag ni Bishop Mallari
Bukod sa pagiging pari ng diocese sa loob ng 32 taon, aktibo rin si Fr. Paez sa kaniyang adbokasiya na pagsusulong ng karapatang pantao partikular na ang mga manggagawa at magsasaka kung saan kaanib din siya sa Promotion of Church People’s Response (PCPR) at Rural Missionaries of the Philippines (RMP).
Kabilang sa dumalo sa ginanap na funeral mass ni Fr. Paez ang kaniyang mga kaanak, kaibigan at mga kasamahan sa PCPR at RMP na umaasang makakamit ang katarungan sa kaniyang pagkamatay.
Dumalo rin sa misa sina Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud; Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Caccia at mga pari na mula pa sa iba’t ibang diyosesis sa bansa.
Nagpaabot naman ng pakikiramay at pagdadalamhati si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kay Bishop Mallari, Diocese ng San Jose at mga kaanak at mahal sa buhay ni Father Paez.
Nakikiisa din ang Archdiocese of Manila sa panawagan ng katarungan para sa pinaslang na pari.
Ipinagdarasal din ng Kardinal ang pagkakaroon ng healing sa malungkot na pangyayari.
Read: Katarungan at paghihilom, hiling ni Cardinal Tagle sa Paez slay