288 total views
Mga Kapanalig, dahil daw sa paglakas muli ng bentahan ng iligal na droga sa ating bansa, inatasan ni Pangulong Duterte ang Philippine National Police o PNP na maging aktibong muli sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot, ang sinasabi niyang ugat ng lahat ng problema ng ating bayan. Pangungunahan pa rin ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency ang “war on drugs” ng pamahalaan, ngunit binibigyan ng laya ng administrasyon ang PNP na buhayin ang Oplan Tokhang basta’t may pakikipag-ugnayan ito sa PDEA. Katwiran ni Pangulong Duterte, kailangang ibalik ang PNP dahil hindi kaya ng 2,000 tauhan ng PDEA na suyurin ang mga pamayanan at hanapin, dakpin, o kaya ay patayin ang mga sangkot sa iligal na droga.
Natatakot ang mga tumututol sa Oplan Tokhang na tumaas muli ang bilang ng mga pinapatay ngayong balik-eksena na naman ang mga pulis sa giyera kontra droga ng pamahalaan. Para kay Novaliches Bishop Emeritus Ted Bacani, malinaw na interesado ang pamahalaan sa bilang ng mga napapatay. Kasi nga naman, sa loob ng halos dalawang buwang pangangasiwa ng PDEA, isa lamang ang namatay sa mga isinagawang raid ng ahensya, malayung-malayo sa kagustuhan ni Pangulong Duterte na 32 patay sa bawat araw. Gayunman, malalaking halaga ng droga ang nasasamsam ng ahensya, bagay na nakatutulong upang bawasan ang supply ng ipinagbabawal na gamot. Nakakalungkot na hindi ito ang batayan ng tagumpay ng kampanya kontra droga kundi ang bilang ng mga taong naliligo sa sarili nilang dugo.
Tayo po sa Simbahan ay hindi napapagod sa paulit-ulit nating panawagan sa pamahalaan, lalo na sa kapulisan, gayundin sa mga kababayan nating suportado ang marahas na “war on drugs”, na igalang ang buhay ng tao, kahit pa ng mga taong gumagamit ng masamang droga o ang mga nagbebenta nito. Magandang balikan ang sinabi minsan ni Msgr. Jose Mari Delgano, ang Episcopal Vicar for Pastoral Affairs ng Arkdiosesis ng Jaro: “God calls sinners to surrender to Him. In His own version of tokhang, no one is bad enough to be a candidate for tokbang!” Ang pagkatok ng ating Panginoon sa puso ng mga naliligaw ang landas ay hindi sinusundan ng pagputok ng baril, kundi ng isang pagtinging may awa at habag—His gaze of mercy. Kaya’t mahalagang samahan natin ang ating mga kapatid na makita ang awa at habag na ito ng Panginoon, at tulungan silang bumalik sa Kanyang mapagmahal na pagkalinga tungo sa pagbabagong-buhay.
Ngunit sa itinatakbo ng kampanya ng pamahalaan kontra droga, at sa napakarami na nating narinig mula sa bibig ng ating pangulo at ng kanyang mga opisyal, mukhang hindi natin maasahan sa mga kinauukulan ang paggabay na ito sa mga naliligaw na landas. Para sa ating pangulo, wala nang pag-asang magbago ang mga taong gumagamit ng droga, lalo na ang mga gumagamit ng shabu na mahihirap ang karamihan. Para naman sa kalihim ng DOJ, hindi na raw tao ang mga lulong sa droga kaya’t wala na silang karapatang dapat pangalagaan. Ganito rin ang pananaw ng solicitor general na, sa isinagawang oral arguments ng Korte Suprema kamakailan hinggil sa mga petisyong kumikuwestyon sa kampanya kontra droga, nagsabing ang mga pagtutol sa pagpatay na ginagawa ng mga pulis ay pawang paninira lamang sa sikat nating pangulo. Bayanihan pa nga raw ang Oplan Tokhang dahil nagtutulungan ang mga pulis at ang barangay. Hindi niya nakikita ang mga pagpatay bilang paglabag sa karapatan ng mga taong hindi binigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili gamit ang proseso ng batas.
Mga Kapanalig, batay sa paraan ng pagsasagawa ng Oplan Tokhang ng PNP nitong nakalipas na taon at buwan, maling hakbang ang ibalik ang PNP sa kampanya kontra droga. Kaya’t patuloy po tayong maging mapagmatyag, at patuloy na labanan ang kultura ng pagpatay.
Sumainyo ang katotohanan.