202 total views
Ito ang paalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga pari at consecrated people sa selebrasyon ng Simbahang Katolika sa “Year of the Clergy and Consecrated People”.
Hinamon ni Cardinal Tagle ang mga pari at consecrated people na maging tunay na lingkod o servant leader na biyayang kaloob ng Espiritu Santo.
“Katatapos lamang ng Year of the Parish bilang communion,bukluran at sinimulan naman natin ang “Year of the Clergy and Consecrated People”.Ipinaalala sa atin na sa parokya diyan nagmumula at umuusbong ang iba’t-ibang kaloob ng Espiritu Santo at ibat-ibang uri ng paglilingkod.Isa sa mga binigay ng Espiritu Santo sa parokya ay vocation. Calling sa servant leadership ng mga paring inordinahan at mga consecrated people”. pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas
Inaanyayahan ng Kardinal ang mga layko na tuklasin ang mga papel sa loob ng Simbahan at natanggap na biyaya ng paglilingkod mula sa Espiritu Santo.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang Year of the Clergy and Consecrated People ay panahon para sa mga pari at religious na magsaliksik ng isip at konsensiya kung paano higit na maglingkod ng tapat sa misyong ibinigay ni Hesukristo.
“Ito ay taon upang idiskubre natin kung yung mga pari, mga religious na alam nila ang kanilang papel sa loob ng simbahan.Paano kami maging higit na tapat sa itinalaga na misyon ni Hesukristo. Taon po ito ng pananalangin, examination of conscience at sulong sa pagmimisyon”.pahayag ng Kardinal
Hinihikayat ng Kardinal ang lahat na sama-samang maglakbay tungo sa “servant leadership”.
Binigyan diin ni Cardinal Tagle ang kahalagahan na matuklasan ng lahat kung paano maging lider sa anyo ng paglilingkod at hindi sa paggamit ng poder at kapangyarihan sa kapahamakan ng kapwa.
“Sama-sama tayong maglakbay tungo sa tinatawag na servant leadership. Ang Simbahan, ang mundo, ang pulitika, ang kultura, ang arts. Kailangan nating matuklasan muli papaano ba maging lider. Kung paano maging lider sa anyo ng paglilingkod tulad ni Hesus na bagamat anak ng Diyos ay nagpakababa, naging lingkod, naghugas ng paa ng iba”.paanyaya ni Cardinal Tagle