225 total views
Ito ang hamon ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mga mananampalataya sa paghahanda ng Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng kapanganakan ng dakilang tagapagligtas ng sangkatauhan – ang Panginoong Hesukristo.
Sinabi ni Bishop Ongtioco na ang adbiyento ay nagbibigay ng pagkakataon sa bawat isa upang maging tagapaghatid ng pag-asa sa kapwa at maisabuhay ang aral ng Panginoon na magbigayan at magmahalan sa kabila ng pagkakaiba-iba at mga isyu na patuloy na umiiral sa lipunan.
“Ang panahon ng pasko at ang panahon ng paghahanada para sa pasko o ang adbiyento ay panahon ng pag-asa. Kung minsan parang napapagod na tayo, galit, umiiyak sa mga nangyayari sa ating kapaligiran pero may pag-asa tayo – ito ang hamon sa pasko. Una, magsimula tayo sa ating sarili, pagbabago hindi maging makasarili at ipairal ang matuwid, makatarungan, maka-Diyos at makataong pamumuhay,” pahayag ni Bishop Ongtioco.
Kaugnay nito hinikayat din ng Obispo ang sambayanang Kristyano tungo sa isang makabuluhang pagpapanibago gayundin sa pagtalikod sa mga gawi na labag sa katuuran ng Panginoon.
Sa Simbahang Katolika, ang panahon ng adbyento o advent season ay ang apat na linggong paghahanda sa pagsilang ng Tagapagligtas ng sanlibutan kung saan isa-isang sinisindihan ang mga kandila bago sumapit ang araw ng Pasko.
Nagmula sa salitang Latin na ‘adventus’, ang adbyento nangangahulugang “pagdating” na nagpapaaaala sa mga Katoliko na ihanda ang sarili para sa dakilang kapistahan ng kapanganakan ng Panginoon.(Ers Geronimo)