203 total views
Seryosohin ang panahon ng paghahanda para sa Panginoon ngayong adbiyento.
Ito ang apela sa mga layko ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman – CBCP-Episcopal Commission on the Laity para sa nalalapit na pagsilang ng sanggol na si Hesus na siyang tagapagligtas ng sangkatauhan.
Nilinaw ng Obispo na hindi lamang personal na paghahanda ang dapat na gawin ng bawat isa sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga kasalanan, pagpi-penitensya at taimtim na pananalangin kundi dapat rin itong paghandaan bilang isang lipunan sa pagtulong sa mga nangangailangan at paninindigan laban sa mga katiwalian sa pamahalaan.
“Sana itong mga Lay faithful ay talagang seryosohin natin ang ating paghahanda, yung paghahanda natin ng personal, yung pagsisisi, ibig sabihin mas matinding panalangin at pagpi-penitensya at paghandaan din natin bilang lipunan, yung pagtulong sa kapwa at sana yung mga katiwalian na nangyayari sa ating bansa na tayo yung magsalita at hindi natin ito papayagan, so sana maging makabuluhan ang ating adbiyento para ang pasko ay maging tunay naman na panahon ng kapayapaan para sa lahat lalo na para sa mahihirap…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Hinihimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananampalataya na gamitin ang panahon ng Adbiyento upang makapaghanda sa pagdating ni Hesus na siyang bugtong na anak ng Diyos.
Ayon kay Pope Francis, tulad ng paghahanda sa mga bisitang maaring dumating sa isang tahanan ay ihanda ang puso at buong pagkatao sa pagdating ni Hesus sa daigdig.
Sa Pilipinas, pinaghahandaan ang tradisyunal na Misa de Gallo o Simbang Gabi na magsisimula sa ika-16 ng Disyembre na 9 na araw na novena bilang paghahanda sa pagsilang ng Sanggol na si Hesus.