317 total views
Hindi natinag ng banta ng bagyong Urduja ang pagnanais ng mga mananampalataya sa Visayas Region at Southern Luzon ang pagdalo sa unang araw ng Simbang Gabi.
Ito ang tiniyak ng ilang mga kaparian mula sa mga Diyosesis na apektado ng pananalasa ng Tropical Storm Urduja kung saan mahigit sa 20 lalawigan ang nasa ilalim ngayon ng Storm Signal Number 2 at Number 1.
Ayon kay Rev. Fr. Jenious Mansalay, Social Action Director ng Diocese of Masbate, bagamat walang tigil ang pag-ulan sa kanilang lalawigan ay marami pa din ang nagsimba sa kanilang mga Parokya.
“walang tigil ang ulan [pero] ang mga tao hindi natinag marami pa din ang ang nagsimba.”
Ganito rin ang ihinayag ni Bishop Antonio Maralit ng Diocese of Boac at Gumaca Quezon Social Action Director Rev. Fr. Tony Aguilar.
“Medyo lang ang epekto.Mahangin lang at may panaka-nakang pag-ulan”. Pahayag ng Obispo ng Boac Marinduque.
Gayunpaman aminado si Rev. Fr. Alcris Badana ng Palo, Leyte na hindi maiwasan na mabawasan ang magsimba sa unang araw ng Simbang Gabi dahil na rin sa masamang panahon.
“May mga areas na may konti-konting pagbaha lalo na sa mga barangay dulot ng ulan.Madami din nagsimba pero di kagaya last year dahil din sa ulan at baha sa kalsada” mensahe ni Fr. Badana, Risk Reduction Unit head ng Archdiocese of Palo.
Umaasa naman si Fr. Mark Granflor ng Archdiocese of Capiz at Rev. Fr. Ernie Larida ng Bacolod Negros Occidental, na mas lalaki ang bilang ng mga nagsisimba oras na gumanda na muli ang lagay ng panahon.
“monitoring pa din kami, puno ang mga simbahan pero kung walang ulan umaapaw yan” Ani Fr. Granflor Social Action director ng Archdiocese of Capiz.
Inaasahan na mararanasan pa ang masamang panahon sa katrimugang Luzon at Visayas Region hanggang sa pagsisimula ng susunod na linggo dahil sa mabagal na pagkilos ng Tropical Storm Urduja.
Magugunitang ang bagyong Urduja ang ika-21 bagyo na pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taong 2017.