433 total views
Mga Kapanalig, naging gawî na ni Pangulong Duterte na isapubliko ang pagsibak niya sa kanyang mga appointees na pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian o maling paggamit ng pera ng bayan. Sa isang talumpati ilang araw bago siya pormal na manumpa bilang pangulo ng bansa, ipinangako niyang kahit bulong lamang tungkol sa tauhan niyang tiwali, agad niya itong tatanggalin sa puwesto. Babala niya sa mga nasa gobyerno, “[Not] even a whiff or whisper [of corruption], I will fire you or place you somewhere.” Isa ito sa mga katangian ni Digong na nagustuhan ng mga bumoto sa kanya—ang anila’y mabilis na pag-aksyon laban sa korapsyon.
Pagmamalaki ng administrasyon, marami nang tinanggal na opisyal dahil sa katiwalian, kahit pa ang mga taong sinasabing malapít sa pangulo. At noong nakaraang linggo nga, sinibak niya ang chairperson at mga commissioners ng Presidential Commission on the Urban Poor o PCUP. (Ang PCUP po ay ang ahensya sa ilalim ng opisina ng pangulo na nakatutok sa mga isyu ng maralitang tagalungsod katulad ng sapilitang ebiksyon at hindi maayos na relokasyon.) Sabi ng pangulo, maliban daw sa hindi pagpupulong ng mga opisyal ng komisyon, naging magastos daw ang mga ito dahil sa maraming junkets o mga lakad sa labas ng bansa gamit ang pera ng bayan. Hindi naman umalma ang mga inalis na opisyal at hindi rin nila pinasinungalingan ang mga inaakusa sa kanila.
Sa isang banda, pagpapakita ito na seryoso ang pangulo na labanan ang katiwalian sa pamahalaan. Ngunit sa kabilang banda, hindi naman pinapanagot ang mga pinatalsik na opisyal. Walang kasong isinasampa laban sa kanila matapos silang sibakin. Umaalis sila sa kanilang opisina na hindi man lamang inaalam kung totoo ang mga bintang sa kanila, kung saan napunta ang sinasabing kinurakot nila, at kung marapat silang patawan ng parusa para sa maling gawain habang sila’y nasa posisyon. May mga pagkakataon pa ngang inililipat lamang sa ibang ahensya at opisina ang mga sangkot sa anomalya.
Mga Kapanalig, lagi nating naririnig ang kasabihang “public office is a public trust”, ang paglilingkod sa pamahalaan ay pananagutan sa taumbayan. Kaya’t mahalagang binabantayan at binubusisi ng publiko, sa pamamagitan ng iba’t ibang insititusyon sa pamahalaan, ang lahat ng ginagawa ng mga lingkod-bayan—ang kanilang mga pinagkakagastusan, ang kanilang mga pasya, at ang kanilang mga ipinatutupad na hakbang. Gayunman, hindi sapat na tanggalin lamang sila posisyon lalo na kung batay lamang ito sa bulung-bulungan. (Kung bulung-bulungan lang naman ang batayan ng pangulo, baka mas marami pa ang wala na dapat ngayon sa pamahalaan, hindi po ba?) Hindi gumugulong ang mga mekanismo ng pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan kung walang maayos na pagsisiyasat at pangangalap ng datos at ebidensya, at kung walang sinusunod na proseso upang alamin ang katotohanan.
At tungkulin ng mga nasa pamahalaan, lalo na ang mga gumagawa ng mga batas, na tiyaking gumagana at ginagamit ang mga mekanismo upang mapanagot ang mga tiwaling lingkod-bayan. May natatanging gampanin ang mga Katolikong nasa larangan ng pulitika sa usaping ito, dahil ang kanilang paglilingkod ay dapat na ginagabayan ng mga prinsipyong nakaugat sa katuruan ng Simbahan—ang pagtataguyod ng kabutihan ng lahat o common good, ang pagtatanggol sa katarungan, ang diwa ng paglilingkod sa kapwa, ang pagkiling sa mga mahihina, at pagsasakapangyarihan sa taumbayan. Lahat ng ito ay dapat na magtulak sa kanilang bigyan ng ngipin ang mga patakaran upang hindi gantimpalaan bagkus ay papanagutin ang mga tiwaling opisyal. Nakakalungkot na para bang iniaasa na lamang natin kay Pangulong Duterte ang pagpapasya.
Muli, mga Kapanalig, public office is a public trust—sa taumbayan, hindi lamang sa pangulo, may pananagutan ang lahat ng nasa pamahalaan.
Sumainyo ang katotohanan.