171 total views
Nagpaabot ng pakikiisa ang Archdiocese of Ozamiz sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong Urduja na nanalasa sa Eastern Visayas at mga karatig lalawigan.
Ayon kay Ozamiz Archbishop Martin Jumoad handa ang Arkidiyosesis ng Ozamiz upang magpaabot ng tulong sa mga biktima ng bagyo partikular sa Diocese of Naval kung saan naganap ang landslide sa isang bayan ng Biliran.
Tiniyak rin ni Archbishop Jumoad ang pag-aalay ng panalangin para sa katatagan ng mga biktima ng bagyong Urduja at kalakasan ng loob hindi lamang ng mga nawalan ng tahanan kundi maging sa mga nawalan ng mahal sa buhay.
“Alam ko po na may mga tao na nagsa-suffer ngayon kasi sa Bagyo ng Urduja, we feel one with you in your pains and difficulties and in the midst of pains I know the Lord also is suffering and for that naaawa kami sa inyo at handang handa po kami para magbigay tulong sa mga biktima ng Typhoon Urduja so we pray for you, we assure you of our prayers…” pahayag ni Archbishop Jumoad.
Bukod dito, nagpaabot din ng pakikiramay ang Arsobispo sa lahat ng mga naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa naganap na landslide dulot ng pag-ulang dala ng bagyo.
“we know that you’re in the midst of sorrows particularly those families who lost a brother or a son or a daughter or a sister we pray for you and we know how painful it is when someone lost a son or a daughter kami po ay nakikiramay sa inyo at sana po ang Panginoon ay magbigay lunas sa mga pangyayaring ito, I pray for you God Bless…”mensahe ni Archbishop Jumoad.
Batay sa tala ng PAG-ASA, ang bagyong Urduja na ang ika-21 bagyo na nanalasa sa bansa ngayong taon kung saan umaabot na sa higit 40 ang namatay at nasa 40 rin ang mga nawawalang indibidwal.
Kaugnay nito nagpaabot rin ng suporta si Archbishop Martin Jumoad sa bagong Obispo ng Diocese of Naval na si Bishop Rex Ramirez na humaharap ngayon sa mabigat na sitwasyon ng paggabay sa kanyang mga nasasakupan na biktima ng bagyong Urduja.