218 total views
Nagpadala ang Caritas Manila at Father Saturnino Urios University ng 1,500 Relief goods para sa mga nasalanta ng bagyong Vinta sa Cagayan De Oro sa Bisperas ng pagdiriwang ng araw ng Pasko.
Ayon kay Fr. John Young ng FSUU sa Butuan City, inihatid na ngayong umaga ang mga relief goods sa Cathedral ng Saint Augustine sa Cagayan De Oro kung saan inaasahan na ipamamahagi din ito agad sa mga naapektuhang residente.
Tiniyak naman ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual na tutugon pa sila sa pangangailangan ng iba pang mga probinsya na naapektuhan din ng nasabing bagyo.
“People are Suffering, they need help, we are in contact with DSAC (Diocesan Social Action Center) para makatulong ASAP” pahayag ni Fr. Pascual.
Nagpadala naman ang Diocese of Tagum na may 3 libong relief goods sa mga naapektuhan ng bagyo sa Compostela Valley at Davao Del Norte.
Ayon kay Rev. Fr. Emerson Luego patuloy pa silang nangangalap ng donasyon at tulong para sa mga naapektuhan residente.
Kaugnay nito, umapela na din ng tulong si Marawi Bishop Edwin Dela Peña para sa mga nasalanta ng bagyong Vinta sa Lanao Del Sur at Lanao Del Norte.
Magugunitang ilan sa mga naapektuhan residente sa mga nabanggit na lugar ay mga naapektuhan din ng kaguluhan sa Marawi.
Batay sa datos, umabot sa mahigit 5 libong pamilya ang inilikas o nawalan ng tahanan sa Diocese of Iligan dahil sa pinsala ng bagyo.
“We appeal for rice, noodles, canned goods, lagutmon, anything edible, used clothing, etc. It was for this purpose that we were spared from this calamity so that we can express our gratitude by helping the less fortunate among us” Mensahe ni Bishop Dela Peña ng Marawi.
Aminado si Bro. Rey Barrido ng Prelature of Marawi na karamihan sa mga naapektuhang residente ay mga Internally Displaced Person ng naganap na Marawi Seige.
Target aniya nila na makatulong sa may mahigit isang libong pamilya mula sa tinatayang nasa 3 libong pamilya na labis na naapektuhan ng bagyo.
Sa Datos ng NDRRMC, umabot sa 18 libong pamilya o mahigit sa 72 libong inidibidwal ang naapektuhan ng bagyong Vinta.