647 total views
Hinimok ng Caritas Manila ang mga nagnanais na magpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Vinta na donation in-cash na lamang sa halip na donation in-kind ang ipadala sa mga biktima ng bagyo dahil sa hirap ng proseso ng pagdadala sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon kay Caritas Manila Damayan Program Priest Minister Father Ric Valencia, mas mapapabilis ang pagpapaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Vinta kung donation in-cash na mabilis na maipadadala sa mga counterpart ng Caritas Manila sa rehiyon na sila namang magsasagawa ng relief operation sa lugar.
Paliwanag ng Pari, bukod sa mas madali ang naturang proseso ay makatutulong ito sa muling pagbangon ng lokal na kalakalan at ekonomiya sa lalawigan.
“The best way and the easiest way is to donate cash kapag ganyang kalayo yung mga pinadadalhan dahil meron naman tayong mga counterpart na nandoon na pwedeng sila ang magsasagawa noong relief operations sila ang bibili, sila ang magre-repack saka matutulungan pa yung local economy, isa din yan sa mga iniisip natin para makabangon kaagad kasi kapag nagkaroon ng bilihan ay mabubuhay muli ang kanilang economy…” pahayag ni Father Valencia sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, inamin ng Pari na nahihirapan ang Caritas Manila na maipadala ang mga donations in-kind sa mga nasalanta ng Bagyong Vinta dahil ang military chopper lamang ng pamahalaan ang maaring magdala ng libre habang matagal naman sa mga pribadong kumpanya.
Kaugnay nga nito, humigit-kumulang sa 2-milyong pisong cash assistance na ang naipagkaloob ng Archdiocese of Manila at Caritas Veritas Damayan sa mga biktima ng Bagyong Urduja at Vinta sa rehiyon ng Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng pitong diyosesis at arkidiyosesis na aagapay sa mga residenteng matinding naapektuhan ng magkasunod na bagyo.
Read: Cash assistance, ipinagkaloob ng Caritas Manila sa mga biktima ng bagyong Vinta at Urduja
Nakaantabay naman si Fr. Emerson Luego, officer in-charge for Caritas Visayas and Mindanao operation sa Diocese of Tagum upang magsagawa ng relief operation sa mga nasalanta ng bagyo.