251 total views
Tiniyak ng Archdiocese of Ozamiz ang pagpapaabot ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Urduja at Bagyong Vinta sa Visayas at Midanao.
Ayon kay Ozamiz Archbishop Martin Jumoad ang pagtulong sa mga nangangailangan ay isang ‘moral responsibility’ ng bawat isa bilang mga magkakapatid na kinakailangan ang gabay at pag-agapay ng kapwa.
Kaugnay nito, inihayag ng Arsobispo ang planong pagsasagawa ng second collection upang makalikom ng sapat na pondo na maaring makatulong sa mga nabiktima ng magkasunod na bagyo
partikular na sa Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao.
“opo (tutulong po kami) kasi ano yun, that’s our moral responsibility we are brothers and sisters to one another and we do not exist alone, we are very much willing we can have second collection for that, oo…” Ang bahagi ng pahayag ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad sa panayam sa Radio Veritas.
Una na ring tiniyak ng Obispo ang pag-aalay ng panalangin sa lahat ng mga biktima at nasalanta ng magkasunod na Bagyong Urduja at Vinta sa Visayas at Mindanao.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umabot sa 47 ang nasawi habang higit 425-libong pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Urduja sa Easter Visayas.
Samantala tinatayang aabot na mahigit 200-indibidwal ang nasawi dahil naman sa Bagyong Vinta kung saan higit sa 143-libong pamilya naman ang naapektuhan mula sa Zamboang Peninsula at Northern Mindanao.
Nauna nang nakapagpaabot ng humigit-kumulang sa 2-milyong pisong cash assistance ang Archdiocese of Manila at Caritas Veritas Damayan sa mga biktima ng Bagyong Urduja at Vinta sa rehiyon ng Visayas at Mindanao.
Nagpaabot na rin ng panalangin at pakikiisa ang Kanyang Kabanalan Francisco para sa lahat ng mga biktima ng bagyo sa Mindanao at nanawagan sa mga mananampalataya na magpaabot rin ng kanilang tulong at panalangin sa mga residenteng nasalanta ng bagyo ngayong kapaskuhan.