243 total views
Umaapela sa mamamayan ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na sa pagsisimula ng bagong taong 2018 ay sama-samang pagtulungang maibalik ang pambihirang katangian ng mga Pilipino at Kristyano na marunong kumalinga at magmalasakit sa kapwa.
Ayon kay Cardinal Tagle, hindi katangian ng isang tunay na Pilipino ang kawalang pakialam sa kapwa, kawalan ng inisyatibong dumamay sa mga nangangailangan at ang pagiging mapanakit sa iba.
Giit ng Cardinal, ang isang tunay na Pilipino at Katoliko ay makatao, marunong kumalinga, may malasakit sa kapwa at higit sa lahat ay nagtataglay ng puso ng tulad ng sa isang Ama gaya ng Diyos at puso ng isang ina gaya ni Maria.
“Pakiusap ko po sa ating lahat ibalik yung napakagandang katangiang Pilipino at Kristyano marunong kumalinga caring, concern. Hindi po tunay na Pilipino yung walang pakialam, hindi ugaling Pilipino yung tuwang tuwa na siya ay nakapanakit. Ang Pilipinong kilala ko marunong dumamay, kumalinga pero yung ‘buti nga, buti nga’ ewan ko kung saan galing yan o yung nakita mo, yan ang napala mo’. Ang Pilipino makatao, Kristyano marunong kumalinga taglay ang puso ng Ama at puso ng Inang si Maria.” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle sa pinangunahang New Year’s Eve Mass sa Manila Cathedral.
Hinimok rin ni Cardinal Tagle ang bawat isa na bukod sa pagkalinga sa mga nangangailangan ay kailangan ring kalingain ang bayan sa pamamagitan ng pag-agapay at patuloy na pagmamahal sa mga nagkakamali sa lipunan hanggang sa makatayo at makapagsimula ng bagong buhay.
“Kalingain natin ang ating bayan yung mga nagkakamali mahalin, akayin, mga magulang kapag nadapa ang anak niyo at sugat sugatan huwag niyong lalong pagagalitan, umiiyak na nga sa sakit pagagalitan pa, kalingain.” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Bukod dito, inihayag pa ni Cardinal Tagle na maging ang kapalirigan ay nangangailangan rin ng pagkalinga sapagkat maging ang mga ilog, estero at dagat ay nagsisilbi ring daluyan ng buhay na kinakailangang maprotektahan at mapangalagaan.
“Kalingain din natin ang ating kapaligiran, ang mga ilog, ang mga estero hindi sila basurahan daluyan sila ng buhay caring, concern.” apela pa ni Cardinal Tagle.
Dahil dito, umaasa ang Kanyang Kabunyian na ang pagiging mapagmalasakit at mapagkalinga ng Birheng Maria ang magiging huwaran ng bawat isa sa paraan ng pamumuhay ngayong taong 2018.
“Malasakit, pagkalinga, ito po sana ang ating maging lifestyle sa darating na 2018.” panalangin ng Cardinal.