208 total views
Matatag na pananampalataya at patuloy na pag-asa sa kaloob ng Panginoon ang biyayang bunga at naidulot ng mga pagsubok at hamon na pinagdaanan ng bansa sa nakalipas na taon.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, dahil sa mga hamong sumubok sa tatag ng mga Pilipino noong taong 2017 ay mas naipamalas ng bawat isa ang inisyatibo na magkaloob ng tulong sa kapwa lalo na sa mga lubos na nangangailangan.
Paliwanag ng Obispo, dahil sa naranasang mga hamon na sumubok sa katatagan ng bansa noong nakalipas na taon ay mas namulat ang puso at isip ng mga Pilipino na magbahagi ng kanilang sarili sa iba.
“Kahit ano ang ating dinanas noong nakaraang taon ay nagbigay sa atin ng magandang biyaya ng Panginoon ang lakas ng pananamapalataya at kumapit tayo sa kanya at nakaraos tayo at lumakas ang ating resolve to help our brothers and sisters. The hope and the faith and the heart big enough to contain those who suffer the most na tayo ay handang tumulong sa kanila biyayang walang hanggan itong bigay sa atin ng Panginoon. So we are facing the New Year very well with this thought in mind.” pahayag ni Marawi Bishop Dela Peña sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, umaasa si Bishop Dela Peña na mananatili ang naturang kaisipan at inisyatibo sa bawat isa sa gitna ng patuloy na pagbangon ng ating mga kababayan mula sa mga naganap na pagsubok at kaguluhan sa bansa noong nakalipas na taon.
“Malaki pa ang aming misyon Panginoon kaya siguro binigyan mo kami ng pagkakataon na mamuhay pa muli upang matugunan namin ang iyong tawag para sa amin to lift our brothers and sisters to help rebuild our city and to rebuild our prelature and the Prelature of Marawi.” Dagdag pa ni Bishop Dela Peña.
Matatandaang ika-23 ng Mayo, 2017 nang maganap ang digmaan sa Marawi City na tumagal ng 5- buwan kung saan higit sa 300-libong mga residente ang naapektuhan habang tinatayang nasa 50-bilyong pisong pondo naman ang kinakailangan upang muling ayusin ang mga inprastraktura, gusali, kalsada at iba pang mga napinsala ng giyera.
Gayunpaman naniniwala naman si Bishop Dela Peña na ang pagsisimula ng panibagong taon ay isang pagkakataon para sa pagbabago at pagsasakatuparan sa parangap na mas magandang kinabukasan para sa bayan.